Bam

P16.7B bawas sa DepEd budget kwinestyon ni Aquino

30 Views

KWINESTYON ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino ang P6.17 bilyong ibinawas ng Kamara sa panukalang 2027 budget ng Department of Education (DepEd) dahil para sa senador dapat unahin ang edukasyon at feeding program kaysa sa mga kuwestiyonableng infrastructure project.

Mula sa panukalang P975.96 bilyon, ibinaba sa P969.79 bilyon ang budget ng DepEd sa 2027 General Appropriations Bill.

Kabilang sa mga binawasan ang Basic Education Facilities Fund, ang pondo para sa mga silid-aralan at pasilidad ng paaralan, na bumaba mula P30.55 bilyon sa P27.45 bilyon.

Bumaba rin ang pondo ng Computerization Program mula P5.79 bilyon sa P2.63 bilyon.

“In 2025, binigyan natin ng zero budget ang flood control. At that time, it was mired in controversy and still mired in controversy until now.

Tanggalan natin ng pondo ang mga proyektong iyan at ilagay sa feeding program at classrooms. Gawin nating prayoridad sa ating budget ang kapakanan ng ating kabataan,” dagdag niya.

Nagbabala rin si Aquino sa pagbaba ng pondo ng Expanded National Nutrition Program, mula P25.7 bilyon ngayong taon tungo sa P11.43 bilyon sa panukalang budget para sa 2027.

Nangyayari ang pagbawas habang kumikilos ang gobyerno para palawakin ang school feeding program sa lahat ng mag-aaral sa pampublikong paaralan mula Kindergarten hanggang Grade 3, ayon sa senador.

“Tinaasan na nga ang cost per meal from P25 to P35 dahil hindi na talaga sapat ang dating halaga. Napakahirap matuto kapag gutom ka,” wika ni Aquino.

Bilang chairperson ng Finance Subcommittee B, pangungunahan ni Aquino sa Biyernes, Oktubre 16, ang briefing sa budget ng DepEd at mga attached agency nito.