Calendar
Sotto: Lumang batas sa espiya maaaring may butas na masasamantal ng mga dayuhan
NAGBABALA si Senate President Pro Tempore Vicente Sotto III nitong Huwebes na maaaring may mga butas ang lumang batas laban sa espiya na masasamantala ng mga dayuhang intelligence operation.
Ayon kay Sotto, chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation, ginawa ang kasalukuyang mga batas para sa tradisyonal na banta tuwing may digmaan.
Maaaring hindi raw nito sapat na matugunan ang foreign interference o pakikialam ng ibang bansa sa panahon ng kapayapaan, ang mga cyberattack, at ang ilegal na pagbubunyag ng sensitibong impormasyon ng gobyerno.
“Outdated laws may leave gaps that can be exploited, making it more difficult to protect our national interest and hold offenders accountable,” ani Sotto sa pagdinig ng komite.
“Our laws must keep pace with modern technology, emerging security threats, and the changing methods used by foreign intelligence operations,” dagdag niya.
Pero iginiit niyang hindi lamang mas mabigat na parusa ang layunin ng pag-amyenda.
“Updating these laws does not simply mean imposing stricter punishments, it also means establishing clear, legal standards, protecting citizens’ rights, preventing abuses of power, and ensuring that national security measures remain consistent with our democratic principles,” wika ng senador.
Sa parehong pagdinig, sinabi ni Jonathan Malaya ng National Security Council na karamihan sa saklaw ng Commonwealth Act No. 616 o ang Espionage Act of 1941 ay mga instalasyong militar. Ayon naman kay Department of Justice Senior State Counsel Fretti Ganchoon, wala pang batas na nagpaparusa sa foreign interference.
Naipasa na umano ng Kamara ang House Bill 9642 o ang panukalang New Espionage Act at naipadala na ito sa Senado.

