Gatchalian

Gatchalian: Imprastraktura, magsasaka, ayuda tututukan sa ’27 budget

32 Views

TUTUTUKAN ng Senado sa pagbusisi sa panukalang 2027 budget ang mga imprastraktura, proteksyon sa mga magsasaka at mangingisda laban sa El Niño, at social protection, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.

Masyado pang maaga para sabihin kung ano ang babaguhin ng Senado sa bersyon ng Kamara dahil kasisimula pa lang ng talakayan pero kung kailangan, ia-augment o ire-realign ang budget para sa tatlong ito, sabi ni Gatchalian.

Kailangan pabilisin ang ekonomiya kaya mahalaga ang investment sa imprastraktura at transportasyon, dagdag ng senador.

Ikalawa, kailangang protektahan ang mga magsasaka at mangingisda dahil tatamaan ng El Niño ang kanilang kabuhayan.

“At pangatlo, dahil sigurado ako mataas pa rin ang inflation natin dahil may gyera rin pa sa Iran, importante yung social protection natin sa ating mga kababayan,” dagdag niya.

Sinabi ni Gatchalian na may mga tanong siya sa foreign-assisted projects dahil mahalaga ang investment sa imprastraktura.

Inilipat umano ng Kamara ang halos P199 bilyon sa loob ng panukalang P7.2-trilyong budget, kabilang ang bawas sa pondo ng foreign-assisted projects gaya ng Metro Manila Subway at mga railway.

Sang-ayon si Gatchalian sa dagdag na tulong para sa mga mangingisda at magsasaka dahil para ito sa agrikultura.

Karaniwang kasama sa bicameral conference committee ang vice chairman, kaya makakasama si Sen. Panfilo “Ping” Lacson, ayon kay Gatchalian.