Calendar
Bam Aquino sa panlalait kay Josh: ‘Ang totoong macho, hindi minamaliit ang mga taong may kapansanan’
KINONDENA ni Sen. Bam Aquino nitong Biyernes ang mga mapanlait na komento laban sa kanyang pamangking si Joshua “Josh” Aquino at sinabing walang sinuman ang may karapatang maliitin ang mga taong may kapansanan.
“Ang totoong macho, hindi minamaliit ang mga taong may kapansanan,” ani Aquino.
Nagpahayag ang senador kasunod ng kontrobersiya sa mga komento tungkol kay Josh, anak ni Kris Aquino na may autism, na naiugnay sa podcast na “Machong Chismisan.”
Ipinagtanggol din niya ang nakababatang kapatid ni Josh na si Bimby.
“Sina Josh, si Bimby, napakabait nila. Good, good Filipinos, they’re good kids,” ani Aquino.
“Walang karapatan ang sinumang tao na magmaliit sa mga taong may kapansanan. That’s very clear,” dagdag niya.
Sinabi ng senador na maraming Pilipino ang nagpahayag ng suporta sa magkapatid at tumutol sa pangmamaliit sa mga taong may kapansanan.
Para kay Aquino, hindi lamang ang kanyang pamangkin ang usapin kundi ang paggalang sa lahat ng persons with disabilities (PWDs).
Nanawagan siya sa publiko na suportahan ang mga PWD at tiyaking hindi sila minamaliit dahil sa kanilang kalagayan.
“So hindi lang para kay Josh pero sa lahat ng mga taong may kapansanan. Kaya suportahan natin sila and show them na lahat ng maibibigay natin, ibibigay natin sa kanila,” ani Aquino.
