ARAL

Tanong ng mga senador: Paano popondahan school feeding, learning, silid-aralan sa tinapyas ng Deped budget?

28 Views

INUSISA ng mga senador nitong Biyernes si Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara kung paano popondohan ang school feeding, learning recovery at pagpapatayo ng silid-aralan sa P969.79-bilyong panukalang budget ng Department of Education (DepEd) para sa 2027, na binawasan ng Kamara ng P6.17 bilyon.

Mas mababa ang halagang ito sa P975.96 bilyong orihinal na panukala ng Malacañang, ayon sa DepEd. Pinamunuan ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino ang pagdinig ng Senate Finance Subcommittee B.

“In the past few days, since the Senate received the General Appropriations Bill, we have observed that the House version introduces steep adjustments to the proposed budget, including reductions in computerization, basic education facilities, teacher development, and foreign-assisted projects,” ani Senate Finance Committee Chairperson Joseph Victor “JV” Ejercito sa kanyang opening statement.

Tinanong ni Ejercito si Angara kung kaya pa ng DepEd na tuparin ang pagpapatayo ng silid-aralan, ang napapanahong paghahatid ng textbook at ang pagpuno sa mga bakanteng posisyon ng guro sa kabila ng mga bawas.

Ayon kay Aquino, bumaba mula P27 bilyon tungo sa humigit-kumulang P11 bilyon ang pondo ng school feeding program sa General Appropriations Bill (GAB), ang bersyon ng pambansang budget na ipinasa ng Kamara.

Sinabi ni Angara na mahigit isang milyong mag-aaral na severely wasted, o labis na mababa ang timbang para sa kanilang taas, ang gumaling sa tulong ng feeding program. Kailangan aniya ng dagdag na P46 bilyon para maibalik ang pagpapakain sa buong 200 araw ng pasukan.

Ayon naman kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, iiksi sa 120 araw ang feeding program dahil sa bawas, at maaaring magutom ang libu-libong estudyante. Babalik daw sa dating timbang at kondisyon ang mga bata kapag maagang itinigil ang pagpapakain.

Hinimok ni Pangilinan ang DepEd na direktang bumili ng pagkain sa mga lokal na magsasaka at kooperatiba sa ilalim ng Republic Act No. 11321 o Sagip Saka Act, at pasimplehin ang patakaran sa procurement para makapagbenta ang maliliit na magsasaka sa mga pampublikong paaralan.

Tinalakay din ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, na tumutulong sa mga estudyanteng nahuhuli sa pagbasa at matematika. Walang hiwalay na pondo ang programa sa 2027 National Expenditure Program (NEP), ang budget na isinumite ng Malacañang sa Kongreso. Paliwanag ng DepEd, isinama ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo nito sa pangkalahatang pondo para sa textbook.

Sa tanong ni Sen. Joel Villanueva, sinabi ni Angara na hindi bababa sa P8 bilyon ang hiniling ng mga nagpapatupad ng ARAL, habang mahigit P15 bilyon ang hinihingi ng DepEd. Tinatayang 13 milyong estudyante mula Grade 1 hanggang Grade 12 ang mangangailangan ng remediation.

Ayon kay Angara, 402,000 tutor ang kailangan sa pagbasa at 738,494 sa matematika. Isusumite ng DepEd sa komite ang detalye ng pangangailangang ito.

Ipinaliwanag din ni Angara na karaniwang nakatatanggap ng overload pay ang mga guro sa ilalim ng Magna Carta for Public School Teachers kapag lumampas sila sa anim na oras na pagtuturo.

Pinag-aaralan ng DepEd na ibilang sa oras ang peer review at Learning Action Cell (LAC) sessions.

Nakapaloob sa panukalang budget ang pagpapatayo ng 3,800 bagong silid-aralan, pagkukumpuni ng 11,000, at promotion ng 135,000 tauhan ng DepEd, dagdag ni Angara. Nakatapos aniya ang ahensya ng 23,000 silid-aralan mula 2022 hanggang 2025.

Sinabi naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nahihirapan itong makakuha ng bidder, at 8 porsiyento pa lamang ng pondo nito para sa silid-aralan ngayong 2026 ang dumaan sa bidding. P68 bilyon ang inilaan para sa school infrastructure ngayong taon, ayon kay Aquino.

Nanawagan si Sen. Erwin Tulfo ng mas mabilis na pagpapatayo ng silid-aralan, lalo na sa malalayong lugar, at pamamahagi ng computer sa mga paaralan sa mga baryo.

“Every peso we allocate must translate into better classrooms, better learning conditions, and safer schools for every Filipino child,” wika ni Tulfo.

Napag-usapan din ang humigit-kumulang 5 milyong mag-aaral na tinatayang may special needs. Ayon sa DepEd, kulang ang developmental pediatrician sa bansa para masuri ang mga bata.

Ikinuwento ni Villanueva na may binisita siyang paaralang siksikan sa estudyante pero dalawa lamang ang guro sa special needs education. Iminungkahi niya ang pagtutulungan ng DepEd, Department of Health (DOH) at PhilHealth.

Humiling din ang DepEd na maibalik ang pondo para sa security guard, mental health counselor at CCTV sa mga paaralan. Kabilang ang seguridad sa tatlong prayoridad ni Aquino, kasama ang Classroom Acceleration Program at ang pagpapalawak ng feeding program sa ilalim ng Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.

Isinusulong din ni Aquino na maibalik sa 4 porsiyento ng Gross Domestic Product (GDP), o kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyong nalilikha ng bansa, ang pondo para sa edukasyon.

“I am hoping that we can get back to 4 percent of GDP for education as a whole. We want to ensure that education in our country is properly funded,” aniya.

Hinimok ni Sen. Pia Cayetano ang DepEd na turuan ang mga estudyante sa responsableng paggamit ng artificial intelligence (AI) at palakasin ang critical thinking, creativity, collaboration at communication.

“The challenge is really how to use AI without letting it take over the lives of our children,” sabi ni Cayetano.

Binanggit ni Senate President Sherwin Gatchalian na nakatulong ang ARAL sa mahigit 1.3 milyong estudyante sa pagbasa at numeracy ngayong 2026.

“Our next challenge is how to sustain what we have started through the 2027 budget,” ani Gatchalian.