PAR Larawan: PAGASA/FB

PAGASA binabantayan super bagyo sa labas ng PAR

27 Views

 

BINABANTAYAN ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang isang super typhoon na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Linggo, Oktubre 18.

Ayon sa PAGASA, naitala ang sentro ng bagyo sa layong 2,145 kilometro silangan ng Southeastern Luzon bandang alas-8 ng umaga. Taglay nito ang lakas ng hanging 185 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 230 kph habang kumikilos pakanluran sa bilis na 25 kph.

Samantala, nakakaapekto ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa Palawan at kanlurang bahagi ng Mindanao, habang easterlies naman ang umiiral sa nalalabing bahagi ng bansa.

Inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Lanao del Sur, Lanao del Norte, Misamis Occidental, Palawan, Quezon at Camarines Norte. Posible ang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.

Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, asahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga isolated rain shower o thunderstorm. Nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng pagbaha o landslide sa panahon ng malalakas na thunderstorms. Patuloy na pinapayuhan ang publiko na subaybayan ang mga opisyal na abiso sa lagay ng panahon.