Calendar
Ang nasawing blogger-rider na si Ser Bong TV (kaliwa).
CTTO/photo credits to Kuya JR TV/Miki TV
HUSTISYA PARA KAY SER BONG TV SIGAW NG VLOGGERS GROUP SA CABANATUAN
CABANATUAN CITY — Sumisigaw ng hustisya para sa pinaslang na vlogger-Grab food delivery rider na si Ser Bong TV ang buong vlogger community ng Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Sa Facebook post ni Kuya JR TV, bumuhos ang pakikidalamhati, pakikiramay at panalangin para sa naiwang pamilya ni Bongbong Mariñas na mas kilala sa bansag niyang Ser Bong TV sa social media.
“Panawagan namin sa Cabanatuan City police at sa mga awtoridad sa Nueva Ecija na sana ay mabilis na maimbestigahan ang issue na ito at mapanagot ang may sala. Sa mga may CCTV o nakakita sa daan na iyon, sana ay makipagtulungan po kayo,” pahayag ng post ni Kuya JR TV.
Binaril at pinaslang ang biktima nitong Huwebes ng gabi dakong 9:40 p.m.
Natagpuan siya ng rumespondeng kapulisan na walang buhay sa gilid ng kalsada sa Markville Subdivision, Bgy. Mayapyap Sur, ng lungsod na ito.
Suot pa nito ang kanyang Grab ID, Grab na uniporme na long sleeves, blue jeans at helmet.
May isang basyo ng bala ng Cal. 45 baril ang natagpuan sa crime scene.
Sa imbestigasyon, lumabas na nawawala umano ang service na motorsiklo ng biktima, gayundin ang ilang kagamitan nito.
“Hindi lang ito laban ni Ser Bong TV. Laban ito ng buong community ng mga vloggers at ng bawat Cabanatueño na nais ng ligtas na lansangan. Hustisya para kay Ser Bong TV .”
Samantala, wala pang opisyal na pahayag ang Nueva Ecija police provincial office hinggil sa estado ng imbestigasyon ng nasabing murder case.

