Rape Kinilala ni PLt.Col. Amor Cerillo ang suspek matapos arestuhin ng mga barangay opisyal at mga operatiba ng MPD Pandacan Police Station10 sa Pandacan Manila.

Kelot, 43, binalikan naiwang pitaka sa bahay ng ‘ginahasa’, diretso selda

Jon-jon Reyes Oct 19, 2026
40 Views

ARESTADO ang 43-anyos na suspek sa panghahalay ng 62-anyos na lola matapos bumalik sa bahay ng biktima at hanapin ang naiwang pitaka sa Pandacan, Maynila, nitong Linggo.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 8353 o ang “Anti-Rape Law of 1997” ang suspek na si alyas Toto, 43, lalaki, residente ng Pandacan.

Ayon sa report ng pulisya na nakarating kay PLt.Col Amor Cerillo, nangyari ang insidente bandang 2:00 ng madaling araw noong ika-18 ng Oktubre sa loob ng bahay ng biktima.

Base sa paunang pahayag ng complainant na anak ng biktima, nakatanggap siya ng tawag mula sa tagapag-alaga ng pamilya.

Sinabi ng tagapag-alaga sa complainant na ang kanyang ina ay hindi makabangon sa kama at hindi maigalaw ang ibabang bahagi ng katawan nito dulot ng sekswal na paag-aabuso ng isang taong ilegal na pumasok sa kanilang tahanan.

Agad nagtungo ang anak sa bahay ng kanyang ina upang beripikahin ang pangyayari.

Ayon sa biktima, ang suspek ay ilegal na pumasok sa kanilang bahay habang siya ay nagpapahinga.Lumapit umano ang suspek sa nasabing lola at inalok siyang maging asawa.

Nang tumanggi ang biktima, hinila umano ng suspek at hinalay sa kama.

Habang kinakausap ng anak ang kanyang ina ay napansin ang isang pitakang hindi nila pag-aari sa sahig.

Makaraan ang ilang sandali, dumating ang isang lalaki at hinahanap ang kanyang nawawalang pitaka.

Matapos sabihin ng nagrereklamo na walang nakitang pitaka, umalis ang lalaki. Dahil sa labis na pagkabalisa ng kanyang ina, tinanong ng nagrereklamo kung ang lalaking iyon ba ang umabuso sa kanya. Agad na tumango ang biktima at itinuro ang suspek habang papalabas ito ng lugar.

Agad nagtungo ang complainant sa barangay hall upang iulat ang insidente.

Nagsagawa ng operasyon ang mga opisyal ng barangay na sina Kagawad Ariel G. Santos at Kagawad Jefferson Ramos ng Pandaca na nag resulta sa pag-aresto sa suspek.

Agad na iniulat sa Beata PCP ang insidente at dinala ang suspek sa WCPD ng Pandacan Police Station para sa nararapat na proseso..

Ang suspek ay dinala sa pinakamalapit na pampublikong ospital para sa pagsusuri ng katawan. Inihahanda na ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang mga kaso laban sa kanya.