Calendar
NCRPO nagbabala vs pekeng pulis, emergency alert para lang manloko
BINALAAN ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang publiko laban sa mga nagpapanggap na pulis para lang makapanloko, mga nagpapakalat ng mga pekeng warrant of arrest, nagpapadala ng mga huwad na emergency alert, at naniningil ng pera kapalit ng pag-aayos ng mga kasong kriminal.
Inatasan na ni NCRPO Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano ang mga cybercrime unit ng mga police district at mga hepe ng himpilan ng pulisya na agad beripikahin ang mga ulat, imbestigahan ang mga hinihinalang kaso ng pagpapanggap at panloloko, pangalagaan ang mga digital na ebidensiya, at makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya upang matukoy at mapanagot ang mga salarin.
Pinayuhan ng NCRPO ang publiko na maging maingat sa pagtanggap ng mga hindi inaasahang tawag, text message, email, o mensahe sa social media na nagsasabing sila ay may warrant of arrest, iniimbestigahan sa kasong kriminal, o saklaw ng mga umano’y emergency security directive.
Maaari aniyang gumamit ang mga manloloko ng mga pekeng pagkakakilanlan, dokumentong kahawig ng mga opisyal na papeles, mga numero ng teleponong pineke upang magmukhang lehitimo, at mga mapanlinlang na online account upang paniwalain ang kanilang mga target.
Pinayuhan din niya ang publiko na huwag magpadala ng pera, magbigay ng mga password o one-time PIN (OTP), o mag-click sa mga kahina-hinalang link bilang tugon sa mga pagbabanta o paniningil. Dapat ding beripikahin nang direkta sa mga istasyon ng pulisya ang mga ganitong pahayag at ireport ang mga pinaghihinalaang panloloko.
“Do not let fear dictate your decisions. Verify first, report suspicious activity, and never allow anyone to use the authority of the police to intimidate or defraud you. Our responsibility is to protect the public, and we will act against those who abuse the public’s trust,” aniya.
Tiniyak ng NCRPO ang patuloy na pangangalaga sa mga residente ng Metro Manila laban sa mga nagbabagong pamamaraan ng panloloko at hinimok din ang publiko na manatiling mapagmatyag, gumamit ng maingat na pagpapasya, at makipagtulungan sa mga awtoridad.

