Speaker Faustino

Yumaong kongresista pinarangalan

Mar Rodriguez Oct 19, 2026
38 Views

PINARANGALAN ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III noong Lunes ang pumanaw na si dating Speaker Pro Tempore Raul Daza para sa mahigit 5 dekadang paglilingkod sa publiko.

Inilarawan ni Speaker Dy ang buhay ni Daza bilang isang magandang halimbawa ng dedikasyon, paninindigan at commitment sa mamamayang Pilipino.

Sa pamamagitan ng isang eulogy na binasa ni House Senior Deputy Speaker Ferdinand “Dinand” Hernandez, sinabi ng Speaker na ang legasiya ng dating kinatawan ng Northern Samar ay dapat magsilbing inspirasyon sa kasalukuyan at sa mga susunod pang henerasyon ng mga lingkod-bayan.

“Ngayon, nagtitipon tayo bilang isang pamilya ng Kapulungan upang parangalan at alalahanin ang isang taong inilaan ang mahigit limang dekada ng kanyang buhay sa paglilingkod sa ating bansa.

Limampung taon mahigit. Mahigit kalahating siglo ng paglilingkod sa bayan,” pahayag ng Speaker sa kanyang mensahe.

Marami nang nagbago sa ating bansa. Marami nang administrasyon ang dumaan. Marami nang henerasyon ng mga Pilipino ang lumaki at nagkaroon ng sariling pamilya.

Ngunit sa kabila ng lahat ng taong iyon, isang bagay ang nanatiling hindi nagbago: ang commitment ni Congressman Raul Daza sa paglilingkod sa publiko.”

Nagsilbi rin si Daza ng tatlong termino bilang gobernador ng Northern Samar mula 2001 hanggang 2010, Deputy Minister ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) at naging Commissioner ng Presidential Commission on Constitutional Reforms.

Gaya ng binigyang-diin ng Speaker, si Daza ay isang abogado at Certified Public Accountant (CPA) na maaari sanang pumili ng ibang propesyon, ngunit paulit-ulit nitong piniling ialay ang kanyang buhay sa paglilingkod-bayan.

Ayon kay Speaker Dy, “ang nagpapatangi sa kanyang buhay ay hindi lamang ang haba ng kanyang pinagsilbihan, kundi ang dedikasyon at paninindigan na kanyang ipinakitang sa bawat posisyong kanyang hinawakan.”

Kinilala rin ng Speaker ang walang kupas na pagmamahal ni Daza sa Northern Samar at sa mga mamamayan nito. Binigyang-diin niya na sa kabila ng maraming pambansang posisyong hinawakan ng dating gobernador, hindi nito kailanman nakalimutan ang pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan.

“Sa kabila ng kanyang mga narating, hindi niya nakalimutan ang Northern Samar at ang mga taong kanyang kinakatawan,” wika ni Dy.

Base sa sariling karanasan bilang dating gobernador, iginiit ni Dy na dapat laging tandaan ng mga pampublikong opisyal na ang kanilang pangunahing tungkulin ay ang pagpapabuti sa buhay ng mga taong nagtiwala sa kanila.

“Sa bawat batas na ating ginagawa, sa bawat programang ating isinusulong, at sa bawat desisyong ating pinipili, dapat nating isipin ang mga pamilyang umaasa sa atin,” sabi ni Speaker Dy.