Rep. Barbers

Barbers nahihiwagaan sa kilos ng China

Mar Rodriguez Oct 19, 2026
32 Views

NAHIHIWAGAAN si House impeachment spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers kung nagkataon lang ba ang paulit-ulit na mga probokasyon ng China sa West Philippine Sea o sinasamantala ng Beijing ang pagkakahati-hati sa pulitika ng Pilipinas habang umuusad ang mga kaganapan kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Ace Barbers, ang tiyempo ng mga aktibidad ng China sa karagatan ay nagbabangon ng mga katanungang kailangang seryosong suriin ng mga awtoridad ng Pilipinas.

Binigyang-diin niya na bagama’t hindi sapat ang tiyempo lamang upang patunayan ang isang sinadyang ugnayan, hindi rin dapat ipagwalang-bahala nang walang masusing pagsusuri ang posibilidad na sinasamantala ng Beijing ang mga tensiyong pampulitika sa loob ng bansa upang isulong ang mga estratehikong interes nito.

“Sinusunod lamang ba ng China ang agresibo nitong adyenda sa karagatan, o sinasamantala rin nito ang ating pagkakahati-hati sa pulitika upang pahinain ang ating paninindigan?” tanong ni Barbers.

Nagbabala si Barbers na ang isang bansang abala sa mga panloob na tunggalian sa pulitika ay nanganganib na mawalan ng tuon sa mga banta mula sa ibang bansa.

Maaaring makinabang ang China kung lalo pang lalalim ang pagkakahati-hati ng mga Pilipino dahil sa kontrobersiya sa impeachment at kung nalilihis nito ang atensiyon ng publiko mula sa mga pangyayari sa West Philippine Sea.

Sinabi rin nito na kailangang alamin ng pamahalaan kung ang tiyempo at mga padron ng mga aktibidad ng China ay nagpapahiwatig ng mas malawak na estratehiya.

Gayunman, iginiit niyang ang anumang pagtatasa sa sitwasyon ay dapat nakabatay sa mapagkakatiwalaang impormasyon mula sa paniktik (credible intelligence) at mga ebidensiyang maaaring beripikahin, sa halip na sa mga haka-hakang pampulitika.

Hinimok din ni Barbers ang mga Pilipino na manatiling mapagbantay laban sa posibleng pakikialam ng mga dayuhan at labanan ang anumang pagtatangkang gawing kahinaan ng bansa ang mga hindi pagkakasundo sa loob nito.

“Kung nagkataon lamang o isang planadong estratehiya, nararapat na masusing suriin ang mga pagkilos ng China,” pahayag ng dating mambabatas.