Hog

Mas matibay na proteksyon sa maliit na magbababoy isinulong sa Kamara

Mar Rodriguez Oct 19, 2026
28 Views

ISINUSULONG ni House Assistant Majority Leader at Nueva Vizcaya Rep. Timothy Joseph Cayton ang mas matibay na proteksiyon para sa mga maliliit na magbababoy sa pamamagitan ng panukalang batas na naglalayong tiyakin ang patas na presyo at malinaw na sistema ng pagbabayad sa bentahan ng baboy.

Inihayag ni Cayton ang paghahain ng House Bill No. 11481 na pinamagatang “Local Hog Raisers Protection and Fair Pricing Act” na layuning palakasin ang proteksiyon sa mga lokal na magbababoy, lalo na sa mga madalas malugi dahil sa hindi malinaw na presyo at pagkaantala ng bayad sa kanilang mga alagang baboy.

Ayon kay Cayton, sa maraming probinsiya, malaki pa rin ang impluwensya ng mga komprador o middleman sa pagtatakda ng presyo ng baboy.

Binigyang-diin ng kongresista na ilang buwan ang ginugugol ng mga magbababoy sa pag-aalaga ng kanilang mga alagang hayop ngunit pagdating sa bentahan ay madalas nilang tanggapin na lamang ang presyong iniaalok ng mga mamimili.

Sa ilalim ng panukalang batas, inaatasan ang Department of Agriculture (DA) na maglabas ng *reference farmgate price* para sa bawat rehiyon. Magsisilbi itong batayan ng mga lokal na magbababoy sa pakikipagtawaran sa mga mamimili.

Layunin ng mekanismong ito na magkaroon ang mga raiser ng sapat na impormasyon tungkol sa umiiral na presyo ng baboy bago sila makipagkasundo sa mga komprador o negosyante.

Bukod dito, kailangang magbigay ng resibo sa mga magbababoy na malinaw na naglalaman ng sumusunod timbang ng baboy na ibinebenta; presyo kada kilo; kabuuang halaga ng bentahan; at petsa kung kailan isasagawa ang pagbabayad.

Sa pamamagitan ng mga probisyong ito, inaasahang magiging mas malinaw ang transaksiyon sa pagitan ng mga magbababoy at mamimili, habang nabibigyan ang mga raiser ng sapat na dokumentasyon para sa kanilang mga bentahan.

Kabilang din sa mahahalagang probisyon ng House Bill No. 11481 ang pagtatakda na hindi bababa sa 50 porsiyento ng karneng bibilhin ng pamahalaan para sa mga programa nito sa pamamahagi ng pagkain ay dapat manggaling sa mga lokal na producer.

Layunin nitong palawakin ang merkado para sa mga lokal na magbababoy at mabigyan sila ng mas maraming pagkakataong maibenta ang kanilang mga produkto.

Sa pamamagitan ng panukalang batas, layunin ni Cayton na mabigyan ng higit na proteksiyon ang mga lokal na magbababoy laban sa hindi patas na transaksyon, habang pinatitibay ang transparency at pananagutan sa bentahan ng kanilang mga alagang hayop.