NAASCU

St. Clare, target ang ika-siyam na titulo sa NAASCU

201 Views

TARGET ng defending champion St. Clare College of Caloocan ang ika-siyam nitong overall title sa pagbubukas ng National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Season 24 basketball tournament sa Oktubre 21 sa Makati Coliseum.

Anim na bagong paaralan ang sasabak sa kompetisyon, na inaasahang magpapakitang-gilas sa high-level ng labanan para sa hangarin na makuha ang kampeonato.

Ayon kay St. Clare head coach Jinno Manansala, malaking bahagi ng patuloy na tagumpay ng koponan ang malaking suporta ng paaralan at ang maayos na pagpapatakbo ng basketball program nito.

“Ang importante po sa isang college team, yung commitment ng eskwelahan. Kaya ‘yan ang sikreto kung bakit nagtatagumpay kami at maayos ang basketball program,” ani Manansala.

Samantala, haharap sa hamon ng rebuilding ang runner-up noong nakaraang season na Enderun Colleges matapos mawalan ng apat na manlalaro. Inaasahan ni coach Michael Oliver na bubuo sila ng halos bagong lineup na kinabibilangan ng ilang rookies.

. “Halos new team kami na maraming mga rookies. Talagang very competitive kami siyempre ibinuhos naming lahat ng pagsisikap,” ani Oliver, na umaasang makapagpapakita ng sorpresa ang mga bagong manlalaro at matutumbasan ang tagumpay ng kanilang mga naunang kasamahan.

Isa sa mga bagong kalahok sa torneo ang Philippine International College (PIC), na pangungunahan ni head coach at dating Barangay Ginebra player Sunday Salvacion, na nagpahayag ng pananabik sa unang pagsabak ng paaralan sa NAASCU.

“Excited na po kami na makasali sa NAASCU kasi napalakas ang competition dito. Naghanda kami sa bawat praktis,” ani Salvacion, na binigyang-diin ang paghahanda ng koponan para sa mga hamon ng kumpetisyon.

Magsisimula ang opening ceremony alas-dos ng hapon, habang nakatakdang umarangkada ang tatlong laro sa men’s basketball simula alas-otso ng umaga.

Susundan ito sa mga susunod na araw ng mga torneo sa juniors’ at women’s basketball, gayundin sa volleyball, table tennis, badminton, chess, taekwondo at cheerdance, na nakatakdang idaos sa susunod na taon. By Gab Ferreras