Calendar
Ugnayan ng DFA, DMW palalakasin para matulungan OFW—PBBM
PALALAKASIN umano ng Marcos administration ang ugnayan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ang bagong tatag na Department of Migrant Workers (DMW) upang matulungan ang mga overseas Filipino.
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. mahalaga na agad na masaklolohan ang mga Pilipino sa ibang bansa na nangangailangan ng tulong ng gobyerno.
“Sa pagtutulungan ng DFA, sa pangunguna ni Kalihim Enrique Manalo at ng pinakabagong ahensya ng ating administrasyon… ang tawag ay DMW, the Department of Migrant Workers na pinangungunahan ni Kalihim Toots Ople, lalo nating pag-iigtingin ang tambalang ito upang makapagbigay ng mabilis at karampatang serbisyo at tulong sa mga overseas Filipinos na nangangailangan ng tulong,” ani Marcos.
Sinabi ng Pangulo na nagsagawa ang gobyerno ng medical repatriation at nagbigay ng tulong upang makakuha ng abugado ang mga Pilipino na mayroong kinakaharap na problemang ligal sa Cambodia.
Mahigit na 5,000 ang mga Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa Cambodia. Karamihan sa kanila ay mga English teacher at supervisor sa mga pabrika ng damit at casino.