Calendar
Pinuri at pinasalamatan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko” Moreno Domagoso ang mga mga kapulisan ng Plaza Miranda PCP-MPD Station 3 sa maagap at mabilis na responde sa mga kabataan ng nag-riot sa Quezon Boulevard,Sta Cruz, Manila.
Agarang aksyon ng MPD-3 sa rambol ng kabataan sa Sta Cruz pinuri ni Mayor Isko

NAHAGIP sa video na inupload ng isang netizen ang rambulan ng ilang kabataan sa kahabaan ng Quezon Boulevard corner Gonzalo Puyat Street, Sta Cruz, Manila, madaling araw ng Miyerkules.
Maagap at mabilis na rumesponde ang mga operatiba ng Plaza Miranda PCP sa pamumuno ni Police Major Fredwin Sernio kasama ang mga tauhan ng TMRU ng Manila Police District Station 3 at naawat ang gulo.
Tatlong menor de edad ang naaresto at itinurn over sa Reception and Action Center.
Nagpasalamat si Manila Mayor Isko Moreno sa mga pulis sa agarang pag-aksyon. “Good job, MPD!,” aniya.
Nagbigay din ng paalala si Mayor Isko sa mga magulang na gabayan at bantayan mabuti ang kanilang mga anak.
Pinagsabihan din niya ang mga Batang Maynila na umiwas sa gulo.
“Iwas-gulo po tayo. Huwag sayangin ang kinabukasan sa isang iglap ng galit at sumunod lagi sa inyong mga magulang,” ani Mayor Isko.
Ayon naman sa report na nakarating kay MPD Chief PBGen. Arnold Santiago ang insidente ay kinasasangkutan ng mga menor de edad sa Quezon Boulevard, Maynila.
Ang mga menor de edad ay agad dinala sa Sta. Cruz Police Station sa pamumuno ni Police Lieutenant Colonel Jolly Soriano para sa nararapat na aksyon. Kalaunan ay inilipat ang mga ito sa Reception and Action Center (RAC) na matatagpuan sa Arroceros Street, Ermita, Maynila, para sa angkop na interbensyon at pagtugon alinsunod sa mga umiiral na batas at pamamaraan.

