NCRPO, 100% ready sa seguridad ng 49th ASEAN Summit

24 Views

Ipinahayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang 100% kahandaan nito sa pagtiyak ng seguridad para sa 49th ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong, na nakatakdang ganapin sa Metro Manila.

Ayon kay NCRPO Acting Regional Director PBGEN Christopher N. Abrahano, naka-full alert ang buong pwersa ng kapulisan at kumpleto na ang mga tauhan, kagamitan, logistical requirements, at iba pang security resources. Saklaw ng mga seguridad ang summit venues, billeting areas, pangunahing lansangan, mahahalagang establisimyento, at iba pang strategic locations, katuwang ang mga ahensyang nagbabantay sa mga paliparan at transport hubs.

Binigyang-diin ni Abrahano na nakahanda ang mga pulis na tiyakin ang kaligtasan ng mga delegado, bisita, at mamamayan sa buong panahon ng summit. Inatasan din niya ang mga tauhan na manatiling alerto, disiplinado, propesyonal, at magalang sa karapatang pantao habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

Nagpaalala ang NCRPO sa publiko na maaaring magkaroon ng pansamantalang abala dahil sa mga road closure, traffic rerouting, at iba pang security restrictions sa loob ng tatlong araw na summit.

Pinayuhan ang mga motorista at commuter na planuhin nang maaga ang biyahe, sumunod sa traffic advisories, at makipagtulungan sa mga nakatalagang pulis.

Ayon sa NCRPO, ang matagumpay na pagdaraos ng summit ay maaaring magbukas ng mas malawak na international partnerships, economic at investment opportunities, at turismo para sa bansa.

Nanawagan ito sa publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan habang tinitiyak na mananatiling ligtas at accessible ang Metro Manila.