Calendar
Motorista na illegal na pumarada dinampot dahil may 2 arrest warrant pala
KALABOSO ang 32-anyos na motoristang sinita sa ilegal na pagparada nang matuklasang may nakabimbin siyang dalawang warrant of arrest at makita ang dala niyang mga kahina-hinalang electronic devices Linggo ng hapon sa Paranaque City.
Dakong alas-2:20 ng hapon nang sitahin ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor na nakatalaga sa prepaerasyon ng ASEAN Summit ang driver ng Toyota Hi Ace Commuter na si alyas “Ian” na ilegal na nakaparada sa Macapagal Boulevard na daraanan ng mga delegado.
Nang maberipika ang kanyang pagkakakilanlan, natuklasan na may dalawa siyang warrant of arrest para sa mga kasong paglabag sa Chattel Mortgage Law at Ecological Solid WasteManagement Act of 2000.
Nang silipin ang loob ng sasakyan, nakita ang mga kahina-hinalang electronic devices kabilang ang hinihinalang International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher o Cell-Site Simulator (CSS), dalawang uri ng baterya nito, GPS tracker na may SIM card, at isang antenna.
Isinasailalim na sa imbestigasyon ng mga tauhan ni Paranaque police chiefP/Col. Nicolas Piñon ang suspek upang alamin ang kanyang pakay sa pagdadala ng mga kahinahinalang electronic devices at kung may posibleng banta ito sa kaayusan, kapayapaan at seguridad lalu na sa pagdaraos ng ASEAN Summit.
