Belmonte

QC bars, videoke, spa, massage parlors internet may mandatory midnight closure cafes sarado midnight hanggang Nob. 21

Jun I Legaspi Nov 16, 2026
8 Views

MAGPAPATUPAD ang Quezon City ng mandatory closure simula alas-12:00 ng hatinggabi sa mga bar, videoke at karaoke venue, spa, massage parlor at internet cafés sa Nob. 15-21 bilang bahagi ng hakbang sa seguridad sa 49th ASEAN Summit.

Nilagdaan ni Mayor Joy Belmonte ang Executive Order No. 42 na nag-uutos sa mga establisyementong saklaw ng SAFE SEAL Ordinance na magsara pagsapit ng hatinggabi maliban sa mga may nakasaad na exemption.

Pinapayagang magpatuloy ng operasyon lampas alas-12:00 ng hatinggabi ang mga hotel, resort, apartelle, tourist inn, motel, pension house, homestay, at condominium.

Ang mga restaurants, resto bars at drinking lounge ay kinakailangang magsara pagsapit ng alas-12:00 ng hatinggabi.

Hindi saklaw ng kautusan ang mga fast-food chain at convenience store na may 24/7 na operasyon.

Inaatasan din ang lahat ng establisyemento na sumunod sa CCTV Ordinance sa pamamagitan ng pagpapanatili ng mga CCTV system at pag-iingat ng mga recording nang hindi bababa sa isang taon mula sa petsa ng pagkakarekord.

Hinimok ni Mayor Belmonte ang publiko at mga may-ari ng negosyo na makiisa sa mga hakbang pangseguridad ng lungsod.

“Hinihikayat ko ang lahat ng establisyemento at mga QCitizen na agad iulat sa mga kinauukulang awtoridad o sa QC Helpline 122 ang anumang kahina-hinala, hindi kanais-nais, o kriminal na insidente,” ani Mayor Belmonte.