Calendar
2023 budget may P206.5B pang-ayuda
MAY nakalaang P206.5 bilyon sa ilalim ng 2023 national budget para sa tulong pinansyal ng mga sektor na lubhang apektado sa pagtataas ng presyo ng mga bilihin.
Sa naturang halaga, P165.4 bilyon ang nakalaan sa assistance program ng Department of Social Welfare and Development.
Ang Department of Health (DOH) ay mayroon namang P22.39 bilyon para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients.
May nakalaan namang P14.9 bilyon sa ilalim ng Department of Labor and Employment para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers.
Nagkakahalaga naman ng P2.5 bilyon ang inilaan para sa fuel subsidy ng Department of Transportation.
Ang Department of Agriculture ay may P1 bilyon naman para saklolohan ang mga magsasaka at mangingisda.
Mayroon ding inilaang pondo ang gobyerno para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (P115.6 bilyon), Social Pension for Indigent Senior Citizens (P25.3 bilyon), Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances (P19.9 bilyon), at Sustainable Livelihood Programs (P4.4 bilyon).
Ang Universal Access to Quality Tertiary Education program ng Department of Education ay mayroon namang P47.4 bilyon, at may P100.2 bilyon para sa subsidy ng gobyerno sa premium ng mga mahihirap at senior citizen sa Philippine Health Insurance Corporation.