AFP

Mas malakas na depensa, pagtugon sa kalamidad, modernisasyon nakikita sa mas mataas na AFP budget

27 Views

ISINUSULONG ni Senate President Sherwin Gatchalian ang mas mataas na badyet para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upang palakasin ang cyber defense, modernisasyon ng militar at kakayahang tumugon sa mga kalamidad.

Sa kamakailang pagdinig ng Senado sa panukalang badyet ng Department of National Defense (DND) at mga kaugnay na ahensya nito, sinabi ni Gatchalian na kailangang tuluy-tuloy ang paglalaan ng pondo para mapanatili ang kahandaan ng militar sa gitna ng nagbabagong sitwasyon ng seguridad sa mundo.

“Talagang mabilis na nagbabago ang ating geopolitical situation sa rehiyon at buong mundo. Nakikita yung ibang conflict sa Middle East at Eastern Europe. Sa ganitong punto, importante na maging handa at patuloy na mino-modernize at pinapalakas ang ating armed forces kasama ang kanilang kapasidad sa cyber warfare,” ani Gatchalian.

Partikular niyang binigyang-diin ang pangangailangang palakasin ang kakayahan ng AFP sa cyber warfare o paggamit ng teknolohiya sa mga operasyong militar at pagtatanggol laban sa mga pag-atake sa mga computer system at network.

Ayon kay Gatchalian, kailangan ng patuloy na suportang pinansyal upang maabot ng militar ang kinakailangang antas ng kahandaan at kakayahan.

“Importante na tuloy-tuloy yung suporta at sustainable hanggang umabot sa kakayahan na gusto natin,” diin niya.

Bukod sa cyber defense, nais din niyang madagdagan ang pondo para sa search and rescue operations ng AFP kapag may malalakas na bagyo at iba pang sakuna.

“Hindi lang taga-defend ang ating armed forces kundi tumutugon din ito sa mga kalamidad na nangyayari sa ating bansa kagaya ng pag may tumatama sa atin na malalakas na bagyo at iba pang uri ng kalamidad na nararanasan natin,” paliwanag niya.