Calendar
Bago mo punahin ang maliit na dungis ng iba. Alisin mo muna ang putik sa iyong mukha (Mateo 7:1-5)
“BAKIT mo pinapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang trosong nasa iyong mata?” (Mateo 7:3)
Ang kahulugan ng salitang self-righteous ay tumutukoy sa isang taong naniniwalang siya ay laging tama, mabuti o mas matuwid kaysa sa ibang tao at madalas ay hinuhusgahan niya ang iba na para bang wala siyang sariling pagkakamali.
Ang mga ganitong uri ng tao ay:
– Mapagmataas sa sariling kabutihan
– Nagpapakabanal
– Nagpapakitang siya lamang ang matuwid
– Mapanghusga sa kapwa habang hindi nakikita ang sariling pagkakamali
Mga halimbawa ng self-righteous na tao. Sa pang-araw-araw na buhay, may isang taong nagsasabi:
“Ako, hindi ako gumagawa ng ganyan. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit kayo nagkakamali.”
Kung palagi niyang ipinagmamalaki ang sarili niyang kabutihan at minamaliit ang ibang tao, maaari siyang ituring na self-righteous.
SA RELIHIYON:
Halimbawa, may isang taong palaging nagsasabi na siya ay mabuting Kristiyano, ngunit hinahatulan niya ang ibang tao bilang makasalanan at hindi karapat-dapat sa kapatawaran.
Maaaring maging self-righteous ang ganitong pag-uugali dahil ginagamit niya ang kanyang paniniwala upang itaas ang sarili at maliitin ang kapwa.
Matutunghayan natin ngayon sa Mabuting Balita (Mateo 7:1-5) ang aral at paalala patungkol sa mga taong ang tingin sa kanilang sarili ay matuwid, sa pamamagitan ng pagpuna sa maliit na pagkakamali ng kanilang kapwa. Ngunit hindi naman nila nakikita ang kanilang mas malaking kapintasan.
Para sa mga taong ang tingin sa kanilang sarili ay isang “righteous” o matuwid, perpekto at naniniwalang wala silang kapalpakan. Tila mas madali nilang napupuna ang maliliit na pagkakamali ng ibang tao. Habang, sila naman ay bulag o sadyang nagbubulag-bulagan lamang sa kanilang sariling pagkakamali na maaaring mas malala pa, kumpara duon sa taong pinipintasan nila.
MAHIRAP PAKISAMAHAN ANG MGA TAONG SELF-RIGHTEOUS:
Para sa mga taong “feeling matuwid”. Napakababa ang tingin nila sa kanilang kapwa na para bang sila lamang ang malinis, sila lang ang tama at walang puwang sa kanila ang pagkakamali. Kapag ganyan, talagang napaka-hirap pakisamahan ang mga taong “perfectionist” at self-righteous, sapagkat hindi mo alam kung saan ka lulugar para lang wala silang masabi o wala silang maipintas, minsan, tama na ang iyong ginagawa ay mayroon parin silang pagpuna at pintas. Ang parati na lamang nilang nakikita ay ang maliit na pagkakamali ng iba.
Minsan ay yabang o “pride” na ang umiiral sa mga taong nagpi-feeling righteous, sapagkat ayaw nilang aminin sa kanilang sarili na mas malaki ang kanilang kapintasan (kapalpakan). Dahil para bang ang pakiramdam nila ay makakabawas ng kanilang pagkatao kung aaminin nila ang kanilang pagkakamali, para sa kanila: Ito’y isang malaking sampal at kahihiyan kung malalaman ng ibang tao na mas malaki pala ang kanilang karumihan, habang panay ang pagpuna nila sa maliit na dungis ng kanilang kapwa.
HUMILITY:
Itinuturo sa atin ngayon ng Ebanghelyo ang pagpapakumbaba sa pamamagitan ng paglilinis muna sa ating mga sarili bago natin punahin ang pagkakamali ng iba. Kaya ang paalala sa atin ay: “alisin muna natin ang trosong (dumi) nasa ating mata at sa gayon, makakakita tayong mabuti at maaalis natin ang puwing ng ating kapatid. (Mateo 7:5). Kailangan siguraduhin natin na tayo ay malinis bago natin punahin ang karumihan ng ibang tao.
Minsan, kung sino pa yung mas malala ang kasalanan ay siya pa itong malakas pumuna ng kaniyang kapwa. Binabatikos ng isang tao ang kaniyang kapwa na magnanakaw, kurakot at ganid daw.
Iyon pala, mas marami siyang ninakaw sa kaban ng gobyerno. Mas kurakot pala siya kumpara duon sa taong inaakusahan niyang mandarambong.
Hindi makakabawas ng ating pagkatao kung matutunan natin ang magpakumbaba. Sapagkat napakahalaga na unahin muna nating linisin ang ating sarili bago natin punahin ang kasalanan, karumihan at kapintasan ng ibang tao.
Tularan natin ang kababang loob ni Jesus na sa kabila ng kaniyang taglay na malaking kapangyarihan, pagiging Diyos at anak ng kataas-taasang Diyos. Sila ay nanatiling mapagkumbaba. Hindi mo makakakitaan ang Panginoong Jesus ng pagmamataas, ang ating mga kasalanan ay hindi niya pinupuna at kinokondina. Sa halip ay ipinapaalaala lamang sa atin na ito’y kailangan nating iwasto kasunod nito ang pagbabalik loob sa Diyos.
ARAL NG PAGBASA:
Bago magsalita, mag-isip muna: Sa tuwing makakaramdam tayo ng kagustuhang pumula o magtsismis tungkol sa pagkakamali ng iba, tanungin ang sarili: “Ano naman ang ‘troso’ sa aking sariling mata na kailangan kong ayusin?”
Tumingin nang may Awa at Pagmamahal: Kung kailangan man nating magwasto ng kapwa, gawin ito nang may kababaang-loob at pagmamahal, hindi upang ipamukha ang kanilang mali kundi upang tulungan silang bumangon.
Maging Tapat sa Sarili: Maging bukas sa pagtanggap ng sariling kapalpakan at humingi ng tawad sa Diyos bago humingi ng pagbabago mula sa iba.
MANALANGIN TAYO:
Panginoon, patawarin Mo po ako sa mga pagkakataong naging mabilis ako sa paghatol at pagpunla sa aking kapwa. Patawarin Mo ako sa pagiging bulag sa aking sariling mga kasalanan at kapintasan.
Bigyan Mo po ako ng pusong mababa at marunong magpatawad. Turuan Mo akong makakita gamit ang Iyong mga mata—mga matang puno ng awa, pag-unawa, at pagmamahal. Linisin Mo po ang aking puso upang maging salamin ako ng Iyong kabutihan sa mundo.
AMEN
