Edd Reyes

Nagsasamantala sa kapaskuhan may kalalagyan kay Col. Mario Mayames

Edd Reyes Oct 28, 2026
25 Views

ISA sa mga naging hepe ng pulisya sa Pasay City na binigyang-pugay at pinasalamatan ni Mayor Emi Calixto-Rubiano si P/Col. Mario L. Mayames, Jr. na tinagurian ding “darling of the press”.

Sa loob lang kasi ng maikling panunungkulan ni Col. Mayames mula Nobyembre ng taong 2023 hanggang katapusan ng Mayo ng 2024, tumatak ang kanyang pangalan sa mga kilabot na kriminal at drug pushers.

Personal kasi siyang sumasama sa mga police operation kahit pa sa loob ng sementeryo, maliliit na eskinita, at sa kasuluk-sulukang pinagkukutaan ng mga sangkot sa ibat-ibang uri ng krimen at ilegal na droga para madakip ang mga ito.

Ang kagandahan pa kay Col. Mayames, hindi siya maramot magbigay ng impormasyon sa mga miyembro ng media at hindi itinatago ang mga insidente ng kriminalidad sa lungsod kapag hiningi ng mamamahayag ang kaukulang detalye ng pangyayari.

Isinusulong din niya ang masiglang ugnayan ng pulisya, barangay, at mamamayan, kasabay ng pagbibigay parangal sa pinakatahimik na barangay at pagpapairal ng wastong disiplina na may malasakit at kabaitan.

Kaya ngayong siya na ang Deputy Chief for Operation ng Police Region Office 4A (CALABARZON), tiyak na may kalalagyan na ang mga nagsasamantala sa nalalapit na kapaskuhan, partikular ang mga operator ng ilegal na sugal.

Nagkalat na kasi ang mga mini-carnival na nilalatagan ng ilegal na sugal sa mga lalawigan ng Laguna, Cavite, Rizal, at Batangas na binibigyan umano ng proteksiyon ng mga sibilyang sina alyas “Tisoy”, “Dondon”, at “Adlawna” na may koneksiyon umano sa Camp Crame.

Lantaran na kasi ang ilegal na aktibidad sa ilang lugar sa Cabuyao, Sta Rosa, Binan, San Pablo at Bayan ng Alaminos ng ang mga operator ay sina alyas Nelma, Jay, Judith, Aklang, Tessie, Sheryl, Ronnie at Fe, pati na ri sina alyas Egay, Kenneth, at Emily sa Cavite City, Trece Martires, Dasmarinas, at Imus at iba pang mga ilegalista sa Rizal at Batangas.

Malamang na putulin na rin ni Col. Mayame ang sungay ng tatlong sibilyan na nagbibigay umano ng proteksiyon sa mga ilegalista sa naturang mga lalawigan tuwing panahon ng kapaskuhan.

Seguridad sa mga pampublikong paaralan, mahirap maipatupad

HINDI madali ang magbigay ng seguridad sa mga pampublikong paaralan kahit pa nga maglagay ng Police Assistance Desk at magdagdag ng security personnel na magbabantay sa main gate ng mga paaralan.

Ang talagang makakatulong para matiyak na ligtas ang mga kabataang estudyante pagpasok sa paaralan ay walang iba kundi ang kanilang mga magulang at hindi ang pagrerekisa ng mga security guard sa kanilang bitbit na bag.

Sa laki kasi ng populasyon ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan, mahirap talaga na isa-isang suriing mabuti ng mga guwardiya ang laman ng kanilang bag, lalu na ngayon na kahit nasa elementarya pa lang ay malaking bag na ang bitbit ng mga mag-aaral.

Isipin na lang na kung susuriing mabuti ng mga guwardiya ang laman ng bag ng bawat estudyanteng papasok sa paaralan, aba’y baka hindi na makapasok ang marami sa loob ng silid aralan, lalu na sa malalaking pampublikong paaralan.

Pero kung mismong magulang nila ang araw-araw na susuri sa laman ng bag ng kanilang anak bago pumasok, malaking tulong ito upang matuklasan kung may bitbit ba silang ano mang bagay na magbibigay panganib sa kanilang kapuwa mag-aaral.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0915-649-2023 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com