Calendar
Libreng hydration stations panlaban sa Super El Niño
HINIMOK ni Senador Risa Hontiveros ang mga local government unit (LGU) na makipagtulungan sa pambansang pamahalaan. Nais niyang magbigay sila ng libreng inuming tubig sa publiko sa pamamagitan ng hydration stations.
Ginawa ni Hontiveros ang panawagan nitong Martes sa gitna ng babala ng mga eksperto sa panganib sa kalusugan ng Super El Niño. Siya ang chairperson ng Senate Committee on Health and Demography. Ang El Niño ay climate pattern na nagdudulot ng mas mainit at mas tuyong panahon.
“Dapat may libreng drinking water stations sa mga lugar kung saan araw-araw na nagtatrabaho at nagtitipon ang ating mga kababayan. Hindi dapat dagdag gastos ang pag-iwas sa dehydration at heat stroke,” ani Hontiveros.
“Hindi rin sapat na mag-report lang ng heat index. Kailangan nating tiyakin na mayroon tayong ligtas na mapagpapahingahan at malinis na tubig na maiinom. Dapat makapaglagay ang gobyerno ng mga hydration stations gaya ng drinking fountains at water refilling stations sa mga palengke, terminal, at iba pang matataong lugar para lahat may access sa libre at malinis na tubig,” mungkahi niya.
Ang heat index ay ang init na nararamdaman ng katawan kapag isinama ang humidity.
Ipinunto rin ng senador na maaaring ayusin at gawing cooling shelters ang mga paaralan, aklatan, museo at community center kapag sobra na ang init ng panahon.
Iminungkahi pa niya na maglaan ang mga mall at iba pang pribadong establisimyento ng komportable at air-conditioned na common areas. Dito, makapagpapahinga at makapagpapalamig ang publiko nang hindi kailangang bumili ng kahit ano.
“May mga public spaces na naman tayo sa government na pwedeng puntahan ng ating mga kababayan. Sana makapaglaan din ang ating private sector ng mga lugar kung saan malayang makapagpapahinga at makapagpapalamig ang mga tao, kahit wala silang bibilhin. May oras pa para ihanda at buksan ang mga ito nang angkop sa kanya-kanyang komunidad,” wika ni Hontiveros.
Ikinumpara rin niya ang dapat gawin sa paghahanda tuwing may bagyo.
“Sa projections ng mga eksperto, maaaring ito na raw ang pinakamalakas na El Niño sa kasaysayan, kaya dapat paghandaan ito ng gobyerno kasama ang LGUs at private sector. Kapag may bagyo, alam nating kailangan ng evacuation centers at work and class suspensions. Kaya ngayong posible tayong makaranas ng matinding init, kailangan din ng matinding paghahanda,” dagdag niya.
“Seryosohin natin ang mga babala ng mga eksperto dahil buhay ng libo-libong mga Pilipino ang nakasalalay sa pagpapatupad natin ng mga epektibong mitigation measures laban sa sobrang init,” iginiit ng senador.
Ayon kay Hontiveros, ilan lamang ito sa mga solusyong maaari nang ipatupad para maibsan ang agarang epekto ng Super El Niño.
Binanggit din niya na inatasan ang Senate Ad Hoc Committee on Reinvigorating Investment and Sustainable Economic Growth (RISE), na pinamumunuan din niya, na silipin ang usapin.
