Calendar
Pagtaas sa 57 ng retirement age ng PNP, BJMP, BFP personnel
SUPORTADO ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP) at National Police Commission (NAPOLCOM) nitong Biyernes ang mga panukala ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na itaas mula 56 hanggang 57 ang compulsory retirement age ng kanilang mga tauhan.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), aabot sa P10.74 bilyon ang paunang matitipid ng gobyerno sa 2027. Pero ayon kay Lacson, maaaring mabawi ito ng mas malaking gastos sa pagreretiro sa mga susunod na taon.
Nagpahayag ng buong suporta ang mga ahensya sa unang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa mga panukala. Pinamunuan ni Lacson ang pagdinig. Pangkalahatan namang sumusuporta ang Civil Service Commission.
Itinataas ng Senate Bill 2395 ni Lacson, na inihain noong Agosto, ang retirement age ng mga tauhan ng PNP. Ganito rin ang layunin ng Senate Bill 2396 para sa BJMP at BFP.
Bibigyan din ng SB 2395 ng opsyong magretiro sa edad na 56 ang mga tauhang wala nang isang taong natitira sa serbisyo pagkabisa ng batas.
Partikular na sinuportahan ng mga ahensya ang layunin ng mga panukala na bigyan ng mas mahabang panahon ang kanilang mga pinuno para maipatupad ang mga planong reporma, at mapakinabangan pa ang kaalaman at karanasan ng kanilang mga tauhan.
Binanggit din ng PNP na maiaayon ng panukala ang retirement age nito sa Armed Forces of the Philippines, na 57 na.
Sa tantiya ng DBM, P7.34 bilyon sa matitipid ay mula sa PNP, P1.72 bilyon sa BJMP at P1.68 bilyon sa BFP, dahil maipagpapaliban ang retirement at terminal leave benefits.
Katapat nito, ayon sa DBM, ang karagdagang sahod at allowance na P1.18 bilyon para sa 1,210 posisyon sa PNP, P258 milyon para sa 546 posisyon sa BJMP at P386 milyon para sa 271 posisyon sa BFP.
Kabilang naman sa mas malaking gastos sa pagreretiro sa hinaharap, ayon sa DBM, ang dagdag na longevity pay, mas maraming naipong leave credits at mas mataas na retirement benefits na kakalkulahin batay sa umiiral na sahod.
Ikinabahala rin ni Lacson ang posibleng epekto ng panukala sa promosyon ng mga nakababatang opisyal, na maaaring ma-“mark time” o maiwan sa kanilang ranggo.
“Merong class dito sa Philippine National Police Academy na tatamaan because magma-mark time. Pag na-postpone yung retirement ng high-ranking officers, merong magma-mark time dito, hindi mapo-promote ka agad,” aniya.
Ipinaliwanag ng NAPOLCOM na matitigil ang galaw sa mga ranggo kung isang taong ipagpapaliban ang pagreretiro ng lahat, kabilang ang mga wala nang isang taong natitira sa serbisyo.
Pero kung papayagang magretiro sa 56 ang mga ito, makaaangat ang mga nasa ibaba nila, ayon sa NAPOLCOM.
Hiniling ni Lacson sa mga ahensya na pag-aralan ang mga pangambang ito. Nagpaubaya naman sa Kongreso ang DBM, na tinatapos pa ang position paper nito.
