Calendar
Pinsala ng El Niño sa agri P6.8B na, maghanda
HINIMOK ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Department of Agriculture (DA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na paigtingin ang mga hakbang para maibsan ang epekto ng matinding El Niño sa agrikultura at sa iba pang bulnerableng sektor.
Ginawa niya ang panawagan sa magkahiwalay na pagdinig ng Senado sa panukalang 2027 budget ng dalawang ahensya.
“This can be as bad as the Iran conflict, in which tumaas yung presyo ng langis. Ito naman, triple whammy: wala ka nang trabaho, wala ka nang output, wala pa tayong makakain. So we really need to make sure na ang gobyerno ay handa pagdating ng El Niño,” ani Gatchalian sa pagdinig sa badyet ng DA at mga attached agency nito.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na binanggit ng senador, umabot na sa P6.86 bilyon ang pinsala ng El Niño sa agrikultura hanggang Setyembre 30.
Nasira ang 163,812 metriko toneladang produktong pang-agrikultura sa 249,028 ektarya ng sakahan sa buong bansa.
Direktang tinamaan din ng tagtuyot ang mahigit 223,214 na magsasaka at mangingisda, at ilang lalawigan na ang nagdeklara ng state of calamity.
Ayon sa DA, sa pinakamasamang senaryo, posibleng lubhang maapektuhan ang humigit-kumulang 4.6 milyon sa tinatayang 10.4 milyong manggagawang bukid sa bansa.
Sa hiwalay na pagdinig sa badyet ng DSWD, nagbabala si Gatchalian na maaaring dumami nang malaki ang mahihirap na pamilyang Pilipino kung kulang ang tulong ng gobyerno.
“Baka hindi natin maaabot ‘yung target sa poverty reduction,” aniya.
Dagdag niya, isa ang El Niño sa mga tatalakayin ng Reinvigorate Investment and Sustainable Economic Growth (RISE) ad hoc committee ng Senado. Binuo ang komite para gumawa ng mga panukalang batas laban sa pagbagal ng ekonomiya.
