Calendar
Raket ng mga batang hamog dapat matigil na
MAGSISILBI na rin sigurong panawagan, hindi lang sa kapulisan, kundi sa opisyales ng barangay ang nangyaring pamamaslang sa dating kongresista na pinatay at pinagnakawan sa parking area ng isang mall sa Antipolo City.
Ngayon kasing nalalapit na Kapaskuhan, naglipana na sa mga lansangan ang mga palaboy o tambay na nagpapanggap na parking attendant na puwersahang naniningil sa mga pumaparadang motorista, lalu na harap ng mga kainan at iba pang establisimiento, na bangketa lang o mismong kalsada ang parking area.
Sila yung mga gumagabay sa mga motorista kapag paparada sa harap ng alinmang establisimiento o lansangan at pagkatapos ay maniningil ng bayad na kadalasang nagiging dahilan ng pagtatalo lalu na kapag nagbigay ng takdang singil ang nagpapanggap na parking boy.
Bagama’t pinabulaanan na ng pulisya na parking boy na nanghihingi ng barya ang nakapaslang sa dating kinatawan ng partylys group na United Movement Against Drugs o UMAD at nilinaw na pagnanakaw talaga ang pakay ng naarestong kriminal, hindi malayong magkaroon ng insidente na talagang pagtatalo sa singilan ng parking ang maging mitsa ng isang krimen dahil sa dami ngayon ng mga naglipanang nagpapanggap na parking attendant.
Pero hindi lang parking boy ang nagkalat ngayon sa lansangan dahil isang katerba na rin ngayon ang mga batang hamog sa mga pangunahing lansangan tulad sa Roxas Boulevard EDSA, Congressional Avenue, at maging sa C5 Road na biglang lumalapit sa nakahintong sasakyan at lilinisin o bubuhusan ng tubig ang windshield para punasan bago nanghihingi ng barya.
Karamihan sa reklamo ng mga motorista ang maruming basahan at maruming tubig na gamit ng mga batang hamog na kaagad pinupunas at ibinubuhos sa mga windshield nang walang pahintulot bago kakatukin ang driver para maningil ng bayad.
Ang mga hindi naman nagbabayad, karaniwan ay ginagasgas ang kanilang sasakyan o kinakabog ng malakas bago magtatatakbong palayo para hindi mahabol ng motorista.
Ngayon siguro kailangan ang pagtutulungan ng pulisya, barangay, at lokal na pamahalaan upang masawata na ang ganitong raket sa panahon ng Kapaskihan ng mga nagpapanggap na parking boy at mga batang hamog sa lansangan.
Katarungang sa mga naulila sa Maguindanao massacre, hindi pa rin maabot
SA kabila ng ibinabang hatol ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) laban sa mga akusado sa Maguindanao Massacre noong Disyembre 19, 2019 o 10-taon matapos ang pinakamadugong insidenteng may kaugnayan sa halalan sa kasaysayan ng bansa, hindi pa tapos ang paghingi ng hustisya ng mga naulila ng biktima.
Sa bigat kasi ng hatol na habambuhay na pagkabilanggo ng walang kaukulang parole laban sa mga pangunahing akusado sa kasong maramihang pagpatay na naganap noong Nobyembre 23, 2009, awtomatiko itong rerebisahin ng Court of Appeals (CA).
Sa ngayon, pitong taon ng nakabimbin sa appellate court ang kaso kaya tinawagan na ng pansin ni Supreme Court Chief Justice Justice Rodil Zalameda ang mga mahistrado ng CA na resolbahin na ang usapin.
Sa oras kasing paboran ng CA ang desisyon ng mababang hukuman, o kung sakali mang baligtarin ang hatol, tiyak na i-aapela o aakyat pa ang usapin a Korte Suprema kaya malamang, ang ilang kaanak ng mga nasawi ay pumanaw na rin ng walang natatanggap na danyos mula sa mga nasasakdal.
Kaya tanong ng marami, kailan kaya mapapabubuti ang sistema ng hudikatura sa ating bansa lalu’t umaabot talaga ng 20 dekada o higit pa ang paghahanap ng katarungan lalu na sa malalaking usapin o kung ang mga nasasangkot ay masalapi at makapangyarihan.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0915-649-2023 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com

