bro marianito

Hindi likas sa tao ang magkasala dahil may batas ng Diyos laban sa mga makasalanan

137 Views

Pic“ITO lamang ang natitiyak ko. Ang tao’y nilikha ng Diyos sa kabutihan, ngunit ang tao’y nag-iisip ng kung ano-ano”. (Mangangaral 7:29)

Minsan, ako ay nagtungo sa San Juan City Jail para mamahagi ng pagkain at mangaral (preach) ng Salita ng Diyos sa iilang nakabilanggo duon na bahagi ng aking apostolado bilang isang Dominikong Layko.

Ang kaso ng mga presyong kalalakihan na nakausap ko ay sangkot sa mga “petty crimes”.

Ang “petty crimes” ay nangangahulugang maliliit o magaang na paglabag sa batas. Ito ay mga kasalanan o krimeng karaniwang hindi kasingbigat ng mga seryosong krimen. Ang maliit na kasong kinasangkutan nila ay kagaya ng pagnanakaw, bagansiya at nahuling nagsusugal o illegal gambling.

Magkagayunman, ang winika ng isa sa mga bilanggong nakausap ko, ang pagiging makasalanan diumano ng tao ayon sa kaniya ay likas na, kumbaga natural na lamang sa mga tao ang magkasala.

Kaya’t sinabi ko sa presong kausap ko na mali ang kaniyang pananaw tungkol sa pagkakasala ng tao sapagkat hindi kailanman magiging “natural o likas” sa tao ang pagiging makasalanan sapagkat nilikha tayo ng Panginoong Diyos na kawangis niya.

HINDI LIKAS SA TAO ANG PAGIGING MAKASALANAN

Hindi nilikha ng Panginoong Diyos ang tao para lamang magkasala at mabulid sa kapahamakan ang kaniyang kaluluwa pagdating ng takdang panahon dahil sa pagkakahulog o pagkakahumaling nito sa kasalanan, sapagkat hindi kasama sa plano ng Diyos na maging masama o kaya’y mahulog sa kumunoy ng kasamaan ang kaniyang nilikha.

Tayo ay maituturing na isang “masterpiece” o obra maestro ng Panginoong Diyos sa lahat ng kaniyang nilikha (creation).

Bakit?

Sapagkat tayo ay ginawa niyang perpekto sa pamamagitan ng ating pisikal na kaanyuan.

May mga mata tayo para makita ang kagandahan ng mundo na nilikha ng Diyos, may tainga para marinig natin ang mga Salita ng Diyos, may ilong para maamoy ang samyo ng nagagandahang bulaklak sa parang at higit sa lahat, binigyan tayo ng puso ng Diyos para magmahal ng ating kapwa, utak para makapag-isip ng tama, magkaroon ng karunungan at maging malikhain.

Ang nais ng Panginoon para sa atin ay ang mamuhay tayo sa kabutihan at maging kawangis niya, dahil kung ano ang kabutihan ng Diyos ang siyang dapat nating tularan.

Hindi naman natin kailangan umastang parang Diyos para maging kawangis natin siya. Nangangahulugan lamang na kailangan nating sikaping mamuhay sa kabanalan at kabutihan katulad ng Diyos. Isang pamumuhay na naaayon sa kaniyang kalooban.

Kaya ang paalala sa atin ng Banal na Kasulatan na sikapin natin ang mamuhay sa kabanalan katulad ng ating Amang nasa Langit.

“Kaya’t maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa Langit”. (Mateo 5:48)

ubalit ang nakalulungkot lamang ay kung bakit sa kabila ng mga kabutihan at sandamakmak na biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa atin. Mas naiibigan pa ng mga tao ang magkasala?

MALAPAD VS MAKITID NA PINTUAN

“Pumasok kayo sa makipot na pintuan. Sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang papunta sa kapahamakan (impiyerno) at ito ang dinaraanan ng marami. Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang papunta sa buhay (kaharian ng Diyos), at kakaunti nagdaraan doon”. (Mateo 7:13-14)

Bagama’t ipinapaalaala sa atin ng Diyos na sikapin natin ang mamuhay sa kabutihan na naglalarawan sa “makipot ma pintuan”, binibigyan parin tayo ng kalayaan ng Panginoon na mamili ng landas na ating tatahakin sa buhay na ito o pintuang papasukan natin.

Malayang malaya tayong magdesisyon para sa ating sarili, hindi ka pipilitin ng Diyos kung ayaw mong mamuhay sa kabutihan.

Subalit lalo namang hindi kukunsintihin ng Panginoong Diyos kung mas pinili mo ang mamuhay sa maling direksiyon ng iyong buhay sapagkat sa huli, kung ano ang iyong itinanim, iyan din ang iyong aanihin.

Ang mga gawang kabutihan ay aani ng sagana, ngunit ang naghasik ng kasamaan, ang naghihintay ay tiyak na kapahamakan.

Bago pa man nilikha o nilalang ng Panginoong Diyos ang tao, layunin na niya ang magkaroon ng kaayusan sa mundo, isang klase ng pamumuhay na maayos.

Samantalang ang layunin naman ng kasalanan na gawa ng diyablo ay kaguluhan. Yan ang dahilan kung bakit marami ang nagkakawindang-windang ang pamumuhay at iyan ang dahilan kung bakit may mga tao ang namatay ng hindi man lamang nakapagsisi sa kanilang mga nagawang kasalanan.

Ang nais ng diyablo ay ang kapahamakan ng tao, samantalang ginugusto naman ng ating “Dakilang Panginoon” ang kaayusan para sa lahat ng tao bilang isang mabuting ama.

Kung tatahakin lamang sana ng tao ang landas patungo sa “makitid na pintuan”, walang mga bilanggong nagdurusa ngayon, wala sanang krimen sa mundo at sana walang nangyayaring pagnanakaw sa pondo ng gobyerno.

Hindi sana lumaganap ang illegal na droga kung sumusunod lamang ang tao sa kalooban ng ating Panginoong Diyos.

MENSAHE:

Hindi likas sa tao ang pagiging makasalanan. Kung magkakagayon, wala na sanang batas ng tao na nagpaparusa sa mga gumagawa ng krimen at mas lalong wala sanang batas ng Diyos na nagpapaalaala na hindi tama o hindi kaaya-aya sa paningin ng Panginoon ang paggawa ng kasalanan.

Mahirap man, kailangan nating magsikap na mamuhay sa kabutihan sapagkat masarap sa kalooban kung walang taong nagagalit sayo, masarap sa kalooban kung walang tao ang nananalanging “mamatay ka na sana” dahil inagrabyado mo at mas lalong payapa ang pamumuhay mo kung walang taong naghahabol sayo para ikaw ay masampahan ng kaso dahil sa ginawa mong panggangantso, pambubudol at iba pang uri ng hindi makataong pagtrato sa iyong kapwa.

Ang taong nananalig sa Panginoong Diyos ay namumuhay ng payapa. Hindi na baleng nahihirapan siya sa buhay. Ang mahalaga, hindi mapapahamak ang kaniyang kaluluwa pagdating ng araw, dahil ang paninirahan natin sa mundong ito ay pansamantala lamang. Ang gawang masama ay may karma, samantalang ang namumuhay ng tama mas lalo pang pinagpapala.

AMEN,