Edd Reyes

Puslit na agri products baka may kemikal, wag tangkilikin

Edd Reyes Oct 21, 2026
151 Views

HINDI lang sampal kundi insulto rin sa mga magsasaka sa lalawigan ng Benguet ang pagdami ng mga ipinuslit na broccoli at carrots mula sa China sa kanilang lugar gayung sila ang sentro ng taniman ng naturang mga produkto at iba pang highland vegetables.

Mismong sa mga pangunahing pamilihan gaya sa Baguio City at La Trinidad na bagsakan pa naman ng mga produkto ng mga magsasaka sa Rehiyon ng Cordillera nakita ang mga puslit na produkto na mas murang ibinebenta kumpara sa inani ng mga magsasaka.

Sa ngayon ay ini-imbestigahan na ng Inspectorate and Enforcement Office at ng Bureau of Plant and Industry ng Department of Agriculture (DA), sa utos ni Secretary Francisco Tiu Laurel, kung paano nakalusot sa Cordillera Region ang smuggled na broccoli at carrots gayung dati ay sa Divisoria at ilang mga pamilihan sa Metro Manila lang ito nakikita.

Nagbabala rin ang kalihim sa mga mamimili na iwasang tangkilikin ang mga puslit na produkto dahil posibleng may kemikal na ginagamit dito para manatiling sariwa. Kumuha na rin sila ng sample ng produkto para isailalim sa laboratory test.

Makikipag-ugnayan na rin ang DA sa Bureau of Customs upang alamin kung papaano naipupuslit papasok ng bansa ang napakaraming smuggled na produktong pang-agrikultura na nakarating na rin sa Cordillera Region.

Sana, mahuli ang responsable sa pagpupuslit nito para panagutin sa paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na may parusang habambuhay na pagkabilanggo at pagbabayad ng multang limang beses sa halaga na ipinuslit nilang produkto.

Laban ng pulisya sa krimen, nahahadlangan ng tatlong sibilyan

KABI-KABILA ang tagumpay sa paglaban sa kriminalidad ni Police Regional Office 4A Director P/BGen Dominic Baccay mula ng manungkulan noong Hulyo 12, 2026, kapalit ng nagretirong si BGen. Hansel Marantan.

Pinaigting kasi niya ang paglaban sa ilegal na droga sa nasasakupang mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon, pati na ang pagdakip sa mga wanted na pugante na nakagawa ng krimen sa Metro Manila at nagtago sa naturang rehiyon, kabilang ang tatlong tumangay ng ATM machine sa Paranaque City.

Regular din ang aksiyon ng kanyang mga malalapit na tauhan laban sa ilegal na sugal at pagdakip sa mga humahawak ng hindi lisensiyadong armas, pati na sa mga sangkot sa carnapping.

Kaya lang, kahit puspusan ang kampanya laban sa kriminalidad ng kapulisan sa PRO4, may tatlo palang sibilyan na namumula naman ang hasang dahil sa malawak nilang koneksiyon sa mga operator ng ilegal na sugal.

Gamit daw kasi nitong sina alyas “Tisoy”, “Dondon”, at “Adlawna” ang koneksiyon nila sa Camp Crame sa pagbibigay ng basbas para makapaglatag ng ilegal na sugal sa mga itinayong peryahan sa mga lalawigan ng Laguna, Cavite, Rizal, at Batangas.

Namutiktik na kasi ngayon ang mga mini-carnival bilang paghahanda sa panahon ng kapaskuhan sa mga Lungsod ng Cabuyao, Sta Rosa, Binan, San Pablo at Bayan ng Alaminos na nilatagan ng ilegal na sugal ng mga operator na itinago lang sa alyas Nelma, Jay, Judith, Aklang, Tessie, Sheryl, Ronnie at Fe

Maging sa Cavite City, Trece Martires, Dasmarinas, at Imus ay naglatag na rin ng pergalan ang mga operator na itinago sa mga alyas na Egay, Kenneth, at Emily, habang sa lalawigan ng Rizal ay may proteksiyon din umano sa tatlong itlog ang mga mini-carnival nina alyas Elvie, Rambo, Marlon, Cris, Nabaja, Nitoy, at Tessie sa Tanay, Montalban Riverside, Angono, at Cardona, at Taytay.

Binasbasan din umano ng tatlo sina alyas Tessie, Perly, at Baby panga. para hindi magalaw ang kanilang inilatag na pergalan sa mga Lungsod ng Batangas, Sto Tomas at mga bayan ng Nasugbu, Calaca, at Balayan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0915-649-2023 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com