Calendar
Kiko sa DBM: Linawin kung magkano pondong magagamit agad vs El Niño
Hinimok ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang mga ahensya ng gobyerno na tukuyin na ngayon pa lang kung magkano ang pondong agad na magagamit laban sa posibleng matinding El Niño.
Partikular niyang hiniling sa Department of Budget and Management (DBM) na linawin ang mga umiiral na appropriations at available balances para sa El Niño interventions.
Nagpahayag ng pangamba ang senador na posibleng hindi magamit nang husto ang ₱112 bilyong unprogrammed appropriations sa 2026 General Appropriations Act (GAA). Kasama rito ang alokasyon para sa risk management at foreign-assisted projects.
Ganito rin ang pangamba niya sa ₱104 bilyong inilaan para sa kaparehong layunin sa 2027 National Expenditure Program (NEP), ang panukalang budget na isinumite ng Ehekutibo sa Kongreso.
Ang unprogrammed appropriations ay mga standby na pondo sa budget na nailalabas lamang kapag lumampas sa target ang kita, may bagong mapagkukunan ng pondo o may naaprubahang foreign loan.
“Hindi pwedeng aksayahin o waldasin. Linawin ng DBM kung ano ang existing appropriations, available balances, at halaga na pwedeng gamitin para sa specific El Niño interventions,” ani Pangilinan.
“Kaya hindi sapat ang sabihing ‘may pondo.’ Kailangang linawin: Magkano ang puwedeng gamitin ngayon, nasaan ito, sino ang maglalabas, at kailan ito makararating sa nangangailangan?” dagdag niya.
Ayon kay Pangilinan, chairperson ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, kailangan ang pondo para maibsan ang epekto ng matagal na tagtuyot at matinding init sa agrikultura, pangisdaan, suplay ng tubig at seguridad sa pagkain.
“Ngayon pa lang alamin na natin kung saan kukuha ng pondo at kung paano ito mabilis na magagamit. Hindi yung kung kelan andiyan na yung problema saka tayo naghahagilap ng pondo. For once, let us be proactive rather than reactive,” sabi niya.
“Hindi puwedeng aantayin pa nating matuyo ang mga pananim, mawalan ng huli ang mga mangingisda, at tumaas ang presyo ng pagkain bago tayo kumilos,” giit pa ng senador.
Tinukoy ni Pangilinan ang mga mapagkukunan ng pondo sa ilalim ng Section 10 ng Republic Act 12287 o ang Declaration of State of Imminent Disaster Act. Kabilang dito ang Special Trust Fund, o ang naipong hindi nagastos na balanse ng Local Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Fund, ang regular na budget ng mga pambansang ahensya at ang National DRRM Fund.
Dapat din daw panagutan ng mga ahensyang hahawak at gagamit ng pondo ang bawat piso.
Bahagi ng iminungkahi ni Pangilinan na eight-point action plan laban sa Super El Niño ang agarang paglalabas ng pondo. Kasama rin dito ang pagdedeklara ng state of calamity, pagpuwesto ng supplies at paghahatid ng tulong sa mga komunidad, proteksyon ng mga sakahan at water systems, price freeze, paghabol sa mga profiteer at hoarder, livelihood relief at public accountability system.

