Calendar
Larawan: PAGASA/FB
Bagyong ‘In-fa’ namataan ng PAGASA sa labas ng PAR
BINABANTAYAN ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang isang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), habang isang bagyo na may international name na In-fa ang namataan sa labas nito nitong Huwebes, Oktubre 29.
Batay sa ulat ng PAGASA alas-8 ng umaga, namataan ang LPA may 915 kilometro silangan ng Eastern Visayas. Samantala, ang bagyong In-fa ay nasa 3,540 kilometro silangan ng Central Luzon, taglay ang lakas ng hanging 175 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 215 kilometro kada oras. Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Sa lagay ng panahon, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Metro Manila, CALABARZON, Aurora, Bulacan, Oriental Mindoro, Marinduque, Camarines Norte at Camarines Sur dahil sa shear line. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang malakas na ulan.
Inaasahan naman ang maulap na kalangitan at mahinang pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region at Nueva Ecija dahil sa northeast monsoon o amihan. Sa Ilocos Region at iba pang bahagi ng Central Luzon, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated light rains ang inaasahan.
Sa nalalabing bahagi ng bansa, posible ang mga panaka-nakang pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng localized thunderstorms. Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto sa mga posibleng pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa panahon ng malalakas na thunderstorm.
