Calendar
Larawan: PHIVOLCS/FB
Bagong lava dome, namataan sa bunganga ng Bulkang Mayon; Alert Level 3 nananatili
Namataan ang bagong lava dome sa summit crater ng Bulkang Mayon nitong Biyernes ng umaga, Nobyembre 13, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon sa ahensya, nakita ang bagong dome sa pamamagitan ng close-up camera monitor sa Mayon Volcano Observatory. Nauna nang natukoy sa satellite images ang pag-umbok ng crater floor mula Nobyembre 4 hanggang 12, na dulot ng dome na hindi pa lantad sa paningin.
Nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan, na nangangahulugang mataas ang aktibidad nito. Sa nakalipas na 24 oras, naitala ang minor Strombolian activity, walong volcanic earthquake, at sulfur dioxide flux na 2,293 tonelada kada araw batay sa sukat noong Nobyembre 12.
Katamtaman ang pagbuga ng plume na may pag-anod patungong timog-kanluran at timog-kanluran-kanluran. Naobserbahan din ang pamamaga ng bulkan na may panandaliang pag-impis sa hilagang-silangang bahagi.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan. Nagbabala rin ang PHIVOLCS sa posibleng pagguho ng bato, pag-itsa ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok, at pag-agos ng lahar kapag may matinding pag-ulan.

