Droga

P1.4M bawal na gamot, damo nakuha sa 59 operasyon sa Calabarzon

50 Views

LiveLive1

KAMPO VICENTE LIM, Calamba City, Laguna — Nasa 71 katao ang nalambat habang mahigit P1.14-milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa sunod-sunod na anti-drug operations sa buong Calabarzon sa loob ng 24 oras.

Ayon sa ulat kay PRO 4A director PBGen. Dominic Baccay, nagsagawa ng 59 na operasyon mula alas-6:00 ng umaga ng Nobyembre 12 hanggang alas-6:00 ng umaga ng Nobyembre 13, 2026 ang mga pulis.

Kabilang sa mga nasakote ang isang High-Value Individual (HVI).

Sa kabuuan, nakumpiska ng mga awtoridad ang 167.86 gramo ng hinihinalang shabu at 13.24 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na may kabuuang street value na P1,143,057.20.

Pinakamaraming nahuli ang Laguna Police Provincial Office na nakapagtala ng 30 na arestado at nakasamsam ng P562,972 halagang shabu mula sa 23 operasyon.

Sinundan ito ng Cavite PPO kung saan 19 ang timbog—kabilang ang nasabing HVI—at nakumpiska ang P432,096.80 na halaga ng shabu at marijuana sa 16 na operasyon.

Samantala, 15 ang arestado sa Batangas at nakumpiska ang P74,752.40 halaga ng droga, apat sa Rizal, at tatlo sa Quezon.

Nasa kustodiya na ngayon ng kani-kaniyang himpilan ng pulisya ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.