Agila Larawan: DENR Soccsksargen/FB

2 agila na na-rehab binalik sa kalikasan

52 Views

MULING nakabalik sa kanilang natural na tirahan ang dalawang nailigtas na ibong-agila, ang White-bellied Sea Eagle at Philippine Serpent Eagle, matapos sumailalim sa pangangalaga at rehabilitasyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region XII. Pinalaya ang mga ibon noong Nobyembre 12.

Ang juvenile White-bellied Sea Eagle ay natagpuan ni Merraflor Eneldas, isang residente ng General Santos City, na naiulat na naipit sa isang puno ng niyog sa likod ng bahay ng isang residente. Unang ipinagkatiwala ang ibon sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng General Santos City bago ito inilipat noong Oktubre 19 sa Regional Wildlife Rescue Center (RWRC) sa Sultan Kudarat State University (SKSU) Lutayan Campus para sa wastong pangangalaga.

Samantala, natagpuang nanghihina ang Philippine Serpent Eagle matapos umanong kuyugin ng ilang uwak. Iniligtas ito ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Maasim at dinala sa Marine Wildlife Rescue Center (MRWRC) sa Alabel.

Ayon sa DENR, mahalagang papel ang ginagampanan ng mga wildlife rescue center sa pagligtas, pagpapagamot at rehabilitasyon ng mga nasugatan, may sakit, o displaced na hayop. Tinitiyak sa pamamagitan ng veterinary assessment, wastong nutrisyon at patuloy na monitoring na handa na ang mga ito bago ibalik sa kanilang likas na kapaligiran.