Molina Tinangka ni Cignal’s Ces Molina na makaiskor laban kay F2 Logistics’ Kim Kianna Dy sa isang tagpo sa PVL Reinforced Conference kagabi. PVL photo

PetroGazz umusad sa PVL semis

Theodore Jurado Nov 20, 2022
321 Views

TULAD ng inaasahan, umusad ang PetroGazz sa semifinal round ng Premier Volleyball League Reinforced Conference makaraan ang 25-13, 25-12, 25-19 paggiba sa United Auctioneers Inc.-Army sa isang maulang Sabado ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.

Maliban sa maikling pagpalag ng Lady Troopers sa kalagitnaan ng third set, kontrolado ng Angels ang isang oras at 22 minutong laro.

“We enjoyed every point we scored and stayed focused on our goal,” sabi ni Aiza Pontillas, na ang kanyang 12-point outing ang siyang susi upang makamit ng PetroGazz ang mahalagang ikalimang panalo sa pitong asignatura.

Humataw si American Lindsey Vander Weide ng 14 kills at tumapos na may 20 points na simahan ng anim na digs habang nagdagdag si MJ Phillips ng 10 hits at kumabig sina Myla Pablo at Remy Palma ng pinagsamang 17 markers para sa Angels.

Sinamahan ng PetroGazz ang Creamline at Chery Tiggo sa semifinals – na isang single-round robin affair.

“It’s our objective (to win) regardless of who our opponents are since we want to build momentum going to the semis. It’s a good thing, we got it in three (sets),” sabi PetroGazz coach Rald Ricafort.

Tinalo naman ng Cignal and F2 Logistics, 25-21, 20-25, 25-14, 25-20, upang makalapit sa pagsukbit ng huling silya sa semifinals.

Bumira si Ces Molina na may 20 points, habang nag-ambag si Angeli Araneta na may 15 kills para sa HD Spikers, na umangat sa 4-3 kartada sa pang-apat.

Nasayang naman ang kinamadang 26 points ni Lindsay Stalzer para sa Cargo Movers, na bumagsak sa 3-4 marka.

Ang Choco Mucho ay may 3-4 baraha katabla ng F2 Logistics, ngunit wala sa kanilang kamay ang tsansa.

Nakatakda ang huling elims playdate sa Martes, kung saan magsasagupa ang HD Spikers at Flying Titans, at magpapambuno ang Cargo Movers at Angels.