Calendar
Gobyerno ng Saudi babayaran hindi naibigay na sahod ng mga OFW
NAKAPUNTOS ng malaki si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isinasagawang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Thailand matapos na ianunsyo ni Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman na babayaran ng kanilang gobyerno ang sahod ng may 10,000 overseas Filipinos workers (OFWs) na mga construction company na nabangkarote noong 2015 at 2016.
Nagkaroon ng bilateral meeting sina Marcos at ang Saudi Crown Prince na nagsisilbi ring Prime Minister ng Saudi.
“Napakagandang balita talaga. At pinaghandaan talaga tayo ni Crown Prince. Kaya’t sabi niya ‘yung desisyon na ‘yan ay nangyari lamang noong nakaraang ilang araw at dahil nga magkikita kami at sabi niya ito ‘yung regalo ko para sa inyo,” sabi ni Marcos.
Bukod sa mga OFW, sinabi ni Marcos na napag-usapan nito ng Crown Prince ang oportunidad ng pamumuhunan.
Sinabi rin ni Marcos na tiniyak sa kanya ng mga opisyal ng Saudi na hindi na ito muling mauulit at isang insurance system umano ang itinayo para sa mga migrant workers.
“Sila mismo magbibigay ng insurance kung sakali man mangyari ulit ‘yan na malugi ‘yung korporasyon na tinatrabahuhan nila at hindi nila makuha ang kanilang sahod, ‘yung insurance ang magbabayad. So marami rin talagang tinutulong sa atin ang pamahalaan ng Kingdom of Saudi Arabia,” ani Marcos.