Belmonte

Belmonte suportado panawagan ni Abalos na magbitiw PNP execs

Mar Rodriguez Jan 6, 2023
203 Views

NAGPAHAYAG na rin ng pagsuporta ang Quezon City Government sa panawagan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos patungkol sa pagsusumite ng “courtesy resignation” ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) bilang paglilinis sa hanay ng kapulisan na hinihinalang sangkot sa illegal “drug trade”.

Ipinaliwanag ni QC Mayor Josefina “Joy” Belmonte na ang naging panawagan ni Sec. Abalos ay alinsunod lamang sa pagsisikap ng DILG na malinis ang hanay ng kapulisan laban sa mga “pasaway” na pulis na nagsisilbing “bad egg” sa kanilang mga kabaro.

Sinabi ni Mayor Belmonte na ang mga tinatawag na “bad eggs” sa hanay ng PNP ay ang ilang miyembro nito na nagsisilbing protektor at sangkot mismo sa talamak na ilegal drug trade na nagbibigay ng mantsa at batik sa magandang imahe ng kapulisan.

Binigyang diin ng QC Mayor na lubos nilang nauunawaan sa pamamagitan na rin ng Quezon City Anti-Drug Abuse Advisory Council (QCADAAC) ang malalim at malalang problema ng illegal na droga hindi lamang sa Lungsod Quezon kundi maging sa buong Pilipinas.

Naniniwala si Mayor Belmonte na ang panawagan ni Abalos ang tuluyang sasawata at pupuksa sa mga pulis na walang habas na nagkakanlong sa illegal na droga at nagsisilbing protektor ng mga sindikato na nagtutulak ng pinagbabawal na gamot sa bansa.

“This bold move will help get rid of unwanted members of the pólice forcé. The prevalence of illegal drugs can only be solved through comprehensive whole of nation approach and I believe the challenge issued by the Secretary is timely and necessary,” ayon kay Mayor Belmonte.