Barbers

Barbers sa PNP, PDEA: Maging alerto vs pagpasok ng illegal na droga sa PH

170 Views

HINIHIKAYAT ngayon ng isang Mindanao congressman ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na huwag magpa-kampante at sa halip ay lalo pang maging alerto dahil sa mapanlasing importasyon ng mga ipinagbabawal na gamot o “illegal drugs”.

Binigyang diin ni Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na hindi dapat magpawardi-wardi o maging relax ang PNP at PDEA dahil sa makabagong taktika na ginagawa ngayon ng malalaking drug syndicate para sa pag-aangkat ng illegal na droga upang gawing disimulado ang pagpasok nito sa Pilipinas.

Sinabi ni Barbers na ang bagong estilo ngayon ng mga drug syndicate sa pagpapasok ng illegal na droga sa bansa ay sa pamamagitan ng pagtatago nito sa loob ng isang “foil pouch ng mga snacks” at iba pang kahalintulad nito para hindi mahalata ng mga awtoridad na illegal na droga ang nasa loob nito.

Ang naging pahayag ni Barbers ay kaugnay sa pagkakadakip kamakailan sa isang lady drug importer na nahulihan ng tinatayang P89.590 million halaga ng shabu.

Ipinaliwanag pa ni Barbers na kasalukuyang gumagamit ng mga makabagong taktika ang mga malalaking drug syndicate dahil sa pagsusumikap nilang maipasok sa Pilipinas ang mga illegal na droga. Kung kaya’t lalo pang dapat maging alerto at mapag-matyag ang mga tauhan ng PNP at PDEA para masagkaan ang masamang binabalak ng mga sindikato ng illegal na droga.

“Ang mga sindikato ng droga ay patuloy na nag-iisip at gumagawa ng iba’t ibang pamamaraan upang maipasok nila sa ating bansa ang mga bawal na droga.
Dapat din, sa ating mga anti-drug law enforcers, na parati silang advance mag-isip laban sa mga nagpapapasok ng droga upang di sila mapalusutan,” ayon kay Barbers.

“Dati rati, ang shipment ng droga ay itinatago sa mga produktong de lata, mga prutas, gulong ng sasakyan, furnitures, equipment, at iba pa. Ngayon ay medyo iba na at sa mga food snacks na nila inilalagay,” paliwanag pa ng kingresta.

Sinabi pa ng mambabatas na: “Kaya sa palagay ko, tuwing may mga parating sa ating bansa tulad ng food snacks, dapat ay maging vigilant ang ating mga anti-drug law enforcers sa mga ito. At dapat advance din sila mag-isip kung saan pang mga produkto pwede itago ang shabu sa mga darating na panahon”.