Ceferino

DTI kumpiyansang maabot P1T investment target ngayong taon

217 Views

Kumpiyansa ang Department of Trade and Industry (DTI) na maaabot nito ang target na P1 trilyong halaga ng investment ngayong taon dahil sa promotional strategy na ginagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Trade Undersecretary Ceferino Rodolfo hindi maitatanggi ang pagiging magaling na salesman ng Pangulo sa mga biyahe nito sa ibang bansa.

Sinabi ni Rodolfo na itinakda ng DTI ang investment target ng Board of Investments (BOI) sa P1 trilyon ngayong taon mula sa P729 bilyon noong 2022.

Noong 2021 ang investment sa bansa ay naitala sa P655 bilyon.

“We have been monitoring all of the news na lumalabas ho,” sabi ni Rodolfo. “Sabi noong isa nating malaking negosyante that the Japanese investors are all the more really encouraged to invest in the Philippines because they really see the hard work that the President has put into promoting the Philippines. So iyon ho, that is a good news for everyone.”

Sa unang buwan ng 2023, umabot sa P414 bilyon ang mga nagpalistang kompanya sa BOI para sa kanilang pamumuhunan sa bansa. Ito ay 40 porsyento ng P1 trilyong target.

Noong Enero 2022, ang nairehistrong investment ay nasa 60 porsyento na.

Batay sa mga nakuhang impormasyon ng DTI sa biyahe ng Pangulo sa Japan, nasa $10 bilyon o P500 bilyon na umano ang investment pledges na nasungkit nito.

Kapag nakita umano ng mga nangakong kompanya na mayroong oportunidad magpaparehistro umano ang mga ito sa BOI, Philippine Economic Zone Authority (PEZA), Clark Development Corp. (CDC,) o Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB).