Barbers

Mga Pilipino hindi na dapat nagpapasindak sa mga Intsik kasunod ng panibagong harassment sa WPS

Mar Rodriguez Feb 15, 2023
173 Views

BINIGYANG DIIN ng isang kongresista na hindi na dapat nagpapasindak ang mga Pilipino laban sa kapangahasan ng mga Intsik. Matapos ang panibagong insidente ng pangha-harass ng Chinese military sa West Philippine Sea (WPS) sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).

Hindi naitago ni Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace S. Barbers ang kaniyang ngit-ngit laban sa mga Chinese military matapos ang ginawa nitong panunutok ng “laser” sa mga tauhan ng PCG habang sila’y nagpa-patrolya sa Ayungin Shoal sa pinagtatalunang WPS.

Dahil dito, binatikos ni Barbers ang ginawa ng mga Chinese military na tinawag nitong isa na naman pamamaraan ng harassment at panggigipit para ipakita ang kanilang lakas at lantarang paninindak laban sa Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.

Nananawagan si Barbers sa mga Pilipino na panahon na para magkaisa at manindigan laban sa panibagong harassment ng Chinese military sa pamamagitan ng pagpapahayag ng isang “diplomatic protest” ng pamahalaan laban sa bansang China.

Binatikos naman ni Palawan 3rd Dist. Cong. Edward S. Hagedorn ang panibagong kapangahasan ng Chinese military sa WPS. Kung saan, tinawag nitong lantarang panduduro sa mga Pilipino ang ginawa ng mga Hukbong Intsik sa mga tropa ng PCG.

Sinabi ni Hagedorn na kailangang ipakita na ng gobyerno ang pangil nito laban sa ginagawang panduduro ng mga Intsik sapagkat mistulang inaapakan na nila ang dangal ng mga Pilipino sa pamamagitan ng iba’t-ibang uri ng panggigipit at pangbu-bully.

Ipinaliwanag din ni Hagedorn na kailangang igiit ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang tinatawag na “sovereign right” ng Pilipinas sa Ayungin Shoal kung saan naganap ang insidente at kasunod ng paninindigan ng Pilipinas na paalisin ang Chinese military sa WPS.

“Nananawagan tayo sa ating mga kababayan na magkaisa tayo, manindigan at suportahan ang pamahalaan sa paglalaban ng ating karapatan dito sa WPS. Hindi maaaring manahimik lamang tayo habang patuloy tayong ginigipit nitong mga Chinese military,” paliwanag ni Hagedorn.