Santiago

Agham, BIR Road magiging Sen. Miriam Defensor-Santiago Ave.

216 Views

BINIGYANG-PUGAY ng mga senador ang pumanaw na Senador Miriam Defensor-Santiago bilang isang huwarang Pilipino na karapat-dapat gayahin dahil sa kanyang mga nagawa noong siya ay nabubuhay at sa kanyang matapang na paninindigan.

Ito ay kasabay ng panukala ng tatlong senador na ipangalan kay Defensor-Santiago ang dalawang magkarugtong na kalsada sa Quezon City.

Isinumite nina Sen. Alan Peter Cayetano, Senador Sonny Angara, at Senador Lito Lapid ang Senate Bill No. 1888 noong February 15, 2023 na panukalang baguhin ang pangalan ng Agham Road at BIR Road sa Quezon City bilang Sen. Miriam Defensor-Santiago Avenue sa ngalan ng pumanaw na mambabatas.

Sa kanilang explanatory note, sinabi ng mga senador na inalay ni Defensor-Santiago ang kanyang buhay sa paglilingkod sa bayan na makikita sa mga achievements sa tatlong sangay ng gobyerno kung saan siya nagsilbi.

“She showcased exceptional leadership, love for her country, and a commitment to excellence through outstanding contributions as a respected legal luminary,” wika nila sa explanatory note.

Naging makulay at katangi-tangi ang limang-dekadang career ni Defensor-Santiago sa serbisyo publiko bilang three-term senator at bilang pinuno ng Department of Agrarian Reform at Bureau of Immigration.

Noong 2011, nahalal siya bilang huwes ng International Criminal Court na may nine-year term. Siya ang kauna-unahang Pilipino at pinakaunang Southeast Asian mula sa isang developing state na maluklok sa posisyong ito.

Para sa kanyang mga naabot, ginawaran ang senador ng iba’t ibang award, kasama na ang prestihiyosong Ramon Magsaysay Award for Government Service at ang Quezon Service Cross na binibigay lamang sa piling grupo ng mga indibidwal na nakapagdala ng karangalan sa bansa o nakapagbigay ng pangmatagalang benepisyo sa sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng kanilang serbisyo.

Si Defensor-Santiago, na binansagan ng media at ng publiko bilang Iron Lady of Asia dahil sa kanyang matapang na ugali at mariing pagtutol sa katiwalian sa gobyerno, ay tatlong beses na tumakbo sa pagkapangulo. Huli siyang tumakbo bilang presidente noong 2016, kung saan si Pangulong Rodrigo Duterte ang nanalo.

Pumanaw si Defensor-Santiago noong September 29, 2016 dahil sa mga komplikasyong dulot ng lung cancer.