Hagedorn

Cong. Hagedorn: Isyu sa WPS ‘wag gatungang

Mar Rodriguez Feb 17, 2023
178 Views

NANANAWAGAN ang isang kongresista sa mga kapwa nito mambabatas partikular na sa mga militanteng grupo na huwag ng gatungan at pag-alabin para hindi na lumubha pa ang panibagong usapin sa West Philippine Sea (WPS) matapos sumiklab ang tensiyon sa pagitan ng Chinese military at Philippine Coast Guard (PCG).

Sinabi ni Palawan 3rd Dist. Cong. Edward S. Hagedorn na dapat ituring na isang “closed book” ang panibagong sigalot sa pinagtatalunang WPS matapos ang ginawang panunutok ng Chinese military ng “laser” sa mga nagpapatrolyang tropa ng PCG sa Ayungin Shoal.

Sa halip, iminungkahi ni Hagedorn na dapat ipaubaya na lamang sa pamahalaan ng mga grupong kumokondina sa naganap na insidente ang naturang usapin sapagkat higit nitong nalalaman ang mga hakbang na kailangang gawin para aysuin ang problema.

Ipinaliwanag ni Hagedorn na maaaring palalain pa ng mga maaanghang na pahayag at nag-aalab ng emosyon ang panibagong sitwasyon sa WPS sa halip na ma-resolba. Dahil posibleng lalong ma-provoke ang Chinese government sa mga nagpupuyos na pahayag laban sa kanila.

Inihalintulad ng Palawan solon ang nangyaring tensiyon sa WPS sa pamamagitan ng isang siga na binuhusan ng gasolina. Kung saan ay lalo itong nagliyab at naging isang malaking sunog.

Dahil dito, muling iginiit ni Hagedorn na ang pinaka-epektibong solusyon para resolbahin at kumalma ang nagpupuyos na sitwasyon dahil sa nasabing insidente ay ang pagkakaroon ng “diplomatic dialogue” sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at China.

“Hindi natin kailangan manawagan sa ating mga kababayan na manindigan sa ginagawa sa atin ng China. Ang kailangang natin ay maging mahinahon, ipaubaya na lamang natin ito sa ating pamahalaan. Hayaan natin sila ang gumawa ng paraan para ayusin ang problemang ito,” paliwanag ni Hagedorn.

Nauna rito, umapela ang kongresista sa mga kasamahan nito sa Kamara de Representantes na maging mahinahon at huwag magpadalos-dalos sa kanilang mga pahayag kaugnay sa panibagong tensiyon na sumiklab sa Ayungin Shoal sa WPS.