Magsino

OFW Party List Group nagpasalamat kay Speaker Romualdez

Mar Rodriguez Mar 7, 2023
270 Views

Dahil sa pagkakapasa sa Kamara ng Magna Carta of Seafarers

IKINAGALAK ng Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Group matapos pumasa sa “third and final reading” sa Kamara de Representantes ang House Bill No. 7325 o mas kilala bilang “Magna Carta of Seafarers” na nalalayong pangalagaan ang kapakanan ng mga Pilipinong tripulante.

Dahil dito, pinasalamanatan ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino, principal author ng HB No. 7325, si House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez dahil sa naging suporta ng liderato ng Kongreso sa kaniyang panukalang batas upang magkaroon ng proteksiyon ang mga Pilipino seafarers.

Ipinaliwanag ni Magsino na pangunahing layunin ng HB No. 7325 na kilalanin at protektahan ang karapatan at kagalingan ng mga Filipino Seafarers. Kabilang na dito ang pagkilala sa kanilang kontribusyon at natatanging na papel na kanilang ginagampanan para sa economic development ng bansa.

Sa ilalim ng HB No. 7325, pangangalagaan nito ang mga Pinoy seafarers tulad ng pagkakaroon ng tinatawag na proper work condition, patas at pantay na employment terms at sapat na career opportunity. Kabilang din dito ang pagtugon sa ilang issues ng international at domestic seafaring industries.

Sinabi din ni Magsino na layunin din nito na tugunan ang hamon na kinakaharap ng maritime higher education institutions pagdating sa usapin ng shipboard training ng kanilang mga kadete. Bilang pagtalima na rin sa itinatakda ng international convention on Standards of Training, Certification and Watch keeping (STCW).

Nakapalaoob din sa panukalang batas ni Magsino ang pagkakaroon ng isang standard employment contract na naglalaman ng terms and conditions ng employment na aprubado naman ng Department of Migrant Workers (DMW) at tumatalima naman sa probisyon ng 2006 Maritime Labor Convention.

Ayon pa sa kongresista, pagkakaroon din aniya ang mga Pilipino seafarers ng “green lane” o exemption pagdating sa anomang travel-related o health-related movement restrictions bilang isang uri ng pribilehiyo.

“The Magna Carta for Seafarers also requires maritime higher education institutions to provide shipboard training to their cadets using their own ships or in agreement with manning agencies or international shipping companies. This provision aims to reinforce the competencies of our seafarers,” sabi ni Magsino.