Magsino

27 OFWs na namatay sa loob ng 10 taon sanhi ng foul play

Mar Rodriguez Mar 14, 2023
334 Views

IKINALUNGKOT ngayon ng Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Group sa Kamara de Representantes ang inilabas na ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) matapos nitong ihayag na 27 OFWs ang namatay sa loob ng sampung taon bunsod ng tinatawag na “foul play”.

Dahil dito, nananawagan si OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang magkaroon ng tinatawag na “competent lawyers” ang DFA na mangangalaga sa kapakanan o magtatanggol para sa mga OFW’s na nahaharap sa kaso.

Nabatid kay Magsino na ang inihayag ng DFA ay nagpapatunay lamang aniya na ang mga kaso nina Jullebee Ranara, Joanna Demafelis at Jeanelyn Villavende ay hindi maituturing na ‘isolated” dahilan sa paulit-ulit na lamang umanong nangyayari ang mga kaso ng “foul play” laban sa mga OFWs.

Hinihiling ni Magsino sa pamahalaan na kailangan itong kumilos o magkaroon ng “proactive direction” upang matiyak na mabibigyan ng hustisya ang mga napariwarang OFWs at naging biktima ng “foul play” sa kamay ng kanilang mga amo sa pamamagitan ng paghabol sa mga salarin.

Kasabay nito, nananawagan din ang kongresista sa publiko na ibahagi o i-report nila ang mga insidente ng posibleng pang-aabuso at exploitation ng mga overseas Filipinos. Kabilang na ang nakukuhang impormasyon mismo ng mga kamag-anak at mahal sa buhay ng mga OFWs.

Ipinaliwanag ni Magsino na mahalaga ang kooperasyon ng lahat mamamayan para mabilis na maaksiyunan ang kaso ng mga OFWs partikular na ang mga naging biktima ng “foul play” para mabigyan sila ng hustisya.