Paggulong ng constitutional reform sa Senado dapat magtuloy-tuloy

166 Views

DAPAT umanong magtuloy-tuloy ang paggulong ng panukalang pag-amyenda sa Konstitusyon sa Senado.

Pinuri rin ni CamSur Rep. LRay Villafuerte ang pahayag n Sen. Robinhood Padilla na malapit ng matapos ang pagdinig ng kanyang komite sa panukala at inaasahan na maisasalang na ito sa plenaryo ng Senado.

Ayon kay Villafuerte maganda na kinikilala rin ng Senado ang pangangailangan na maamyendahan ang Konstitusyon upang mas dumami ang mga dayuhan na namumuhunan sa bansa.

Ang isyu kung ang pag-amyenda ay gagawin sa pamamagitan ng Constitutional Convention (con-con) o Constituent Assembly (Con-Ass) ay hindi pa ang isyu na dapat resolbahin ngayon.

“What is important at this stage is for the Senate to consider amendments to our flawed Constitution, so the 19th Congress can come up with a consolidated measure green-lighting a Charter makeover at the soonest time possible,” ani Villafuerte.

“The important thing is for us lawmakers to keep the ball rolling on constitutional reforms, in the hope that we can do away soon enough with the restrictive economic provisions of our 36-year-old Charter that have put off investors and impeded the inrush of FDIs (foreign direct investments),” dagdag pa ni Villafuerte na siyang pangulo ng National Unity Party (NUP), ang ikalawang pinakamalaking partido sa Kongreso ngayon.

Umapela si Villafuerte sa Senado na ituloy-tuloy ang pagtalakay sa panukala at gayahin ang Kamara sa pagtutok dito hanggang sa maipasa.

Kumbinsido ang mga kongresista na malaki ang maitutulong ng pag-amyenda sa Konstitusyon sa pagdami ng mga dayuhang mamumuhunan na lilikha ng maraming trabaho at magpapabilis sa pag-angat ng ekonomiya.

Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlong pagbasa ang Resolution of Both Houses No. 6 nagpapatawag ng Con-Con na siyang magpapanukala ng mga gagawing pagbabago sa Saligang Batas, at ang House Bill 7352 na siyang magpapatupad sa RBH No. 6.