Odette

House repair kits, ipamimigay sa Operation Odette

560 Views

Sa tulong at pakikiisa ng partners at donors, mahigit 200,000 pamilyang naapektuhan ng Bagyong Odette ang nakatanggap na ng relief goods sa tulong ng ABS-CBN Foundation.

Dahil karamihan sa kanila ay nawalan ng tahanan at nananatili sa mga evacuation center, layunin na rin ng ABS-CBN Foundation na mahatiran sila ng house repair kits upang makatulong sa pag-aayos ng kanilang mga bahay.

“Sana po tulungan ako, kami, sa pamilya ko may magbigay para makasimula kami,” ani Maria Victoria Edilo ng Southern Leyte sa panayam ng ABS-CBN News.

Sa Bohol naman, patuloy ding nananawagan ang inang si Alicia Golosilo, na sa day care center pa rin nanunuluyan kasama ng pamilya.

“Gusto ko manawagan sa mga tao [na] may puso na tulungan kami sa buhay. Walang-wala kami, saan kami kukuha,” sabi ni Alicia sa ulat sa TV Patrol.

Kaya naman patuloy ding nangangalap ng donasyon ang ABS-CBN Foundation. Sa halagang P13,200, mabibigyan na ang isang pamilya ng house repair kit na naglalaman ng yero, plywood at mga pako.

Tuluy-tuloy din ang 100 araw na fundraising sa “Tulong-Tulong sa Pag-Ahon: Isang Daan sa Pagtutulungan” campaign ng ABS-CBN and ABS-CBN Foundation, na napapanood gabi-gabi ng 8 sa FYE channel sa Kumu, ABS-CBN Entertainment YouTube channel, ABS-CBN Facebook page, iWantTFC at SKYcable HD ch. 955 at SD ch. 155.

Pagkatapos ng sampung araw pagpapakilig ng Kapamilya loveteams sa “Kilig Match,” magbabalik naman ang kantahan at kwentuhan with Kapamilya singers sa By Request 2 benefit concert series hanggang February 27.

Una nang nakasama sina Yeng Constantino na susundan nina Jed Madela at Nyoy Volante kasama si Jason Dy, Ogie Alcasid at Regine Velasquez-Alcasid, Klarisse De Guzman at iDolls kasama si Vivoree, at ex-housemates Anji Salvacion, Benedix Ramos at Jordan Andrews.

Maghahandog rin ng concert sina Jona, Janine Berdin, Elha Nympha, Lara Maigue, at Sheena Belarmino, KZ Tandingan at TJ Monterde, Vina Morales at Jolina Magdangal at Gary Valenciano.

Sa kabuuan, umabot na sa P94.04 milyon ang cash donation na natanggap ng ABS-CBN Foundation noong Pebrero 18 habang nagkakahalaga naman ng P16.012 milyon ang in kind donations.

Nakapaghatid na rin ng food packs sa 203,110 na pamilya at house repair kits sa 330 na pamilya.

Maaari ring makatulong sa ating mga kababayan sa pag-avail ng Tulong Vouchers sa Lazada at Shopee na may halagang P100 o P400 na daragdag sa pondo para sa house repair kits, o sa paglahok sa “Isang Daang Hakbang Sa Pagtutulungan: Kapamilya Virtual Run” ng SKY katuwang ang HBO at History Channel, kung saan maaaring mag-donate at sumali sa “100 Hakbang Challenge” para sa Odette survivors.

Para sa iba pang impormasyon at paraan sa pag-donate, pumunta lang sa website ng ABS-CBN Foundation at sa Facebook, Twitter at Instagram accounts nito. Ni Ian F. Farinas