bro marianito

HINDI MADALI ANG DAAN PATUNGO SA PAGSUNOD KAY JESUS (Marcos 8:3-36)

838 Views

“Pinalapit ni Jesus ang mga tao at ang kaniyang mga alagat at sinabi sa kanila. Ang sinomang nagnanais sumunod sa akin ay dapat itakwil ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin”. (Marcos 8:34-36)

HINDI MADALI ANG DAAN PATUNGO SA KABANALAN:

MAY mga pagkakataon na nakakarinig tayo ng kuwento o balita tungkol sa isang kakilala o kaibigang seninarista na lumabas ng kumbento at umalis sa kanilang bokasyon. Hindi natin maiwasan ang malungkot sapagkat para sa akin isang napakalaking “opportunity” ang tawagin ka ng Panginoong para magsilbi sa kaniya sa pamamagitan ng “spiritual vocation”.

Hindi madali ang pagsunod sa kalooban ng ating Panginoon dahil may mga pagkakataon na madadarang sa napakatinding pagsubok ang iyong pananampalataya at katatagan. Ang ibig sabihin nito ay ang mga temptasyon at pagsubok na ginagawa ng demonyo para hindi ka magtuloy sa iyong bokasyon.

Ang pagsunod kay Jesus patungo sa daan ng kabanalan o holiness ay hindi isang magaan na paglalakbay (journey). Sapagkat alalahanin natin na dito sa ibabaw ng mundo ay napakaraming balakid ang maaaring pumigil sa atin para magpatuloy tayo sa ating pagsunod sa kalooban ng Diyos.

Kung sino pa yung tinawag ng Panginoon na sumunod sa kaniya para maglingkod ang kadalasang mas nahaharap sa mga matitinding pagsubok ng buhay. Sila pa nga ang mas may mabigat na pinagdadadaanan. Kaya ang pagsunod sa Diyos ay mistulang isang krus na kailangan natin pasanin sa ating mga balikat.

ANG IMBITASYON NI JESUS:

Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Marcos 8:34-36) nang wikain ni Jesus sa mga tao at sa kaniyang mga alagad na kung sinoman ang nagnanais na sumunod sa kaniya ay kailangan niyang itakwil ang kaniyang sarili. Pasanin ang kaniyang krus at saka sumunod sa kaniya.

Inaanyayahan tayo ni Kristo na sumunod sa kaniya. Subalit tandaan ulit natin na ang pagsunod kay Jesus ay hindi isang madaling bagay na parang ang daang tatahakin natin patungo sa kaniya ay diretso at walang lubak. Hindi, ito’y isang rough-road o daan na puno ng lubak (mga pagsubok).

Ang pagpasan ng krus gaya ng binabanggit ni Jesus sa Ebanghelyo ay hindi ang typical o literal na krus na pinapasan ng mga nagpi-pinetensiyang deboto kapag Mahal na Araw. Kundi ang krus ng pagtitiis at sakripisyo na kailangan natin pasanin dahil sa pagsunod natin sa kalooban ng Panginoon.

Minsan, ang krus na ito ay ang ating sariling pamilya na siya pang hindi nakakaunawa sa atin. Sila pa mismo ang unang pumupuna o bumabatikos sa atin dahil sa pagsunod natin sa kalooban ng Panginoong Diyos. Sa halip na unawain tayo ay sila pa ang unang kumukutya sa ating paglilingkod sa Diyos.

Ang paalala pa sa atin ni Jesus sa Pagbasa ay KUNG NAKAHANDA rin ba tayong kalimutan o itakwil ang ating sarili para sumunod sa kaniya? (Marcos 8:34) Ang pagtatakwil sa ating mga sarili ay sa pamamagitan ng pagbabalik loob sa Diyos mula sa ating lumang pamumuhay.

Handa mo bang bitiwan ang isang pamumuhay na inaakala mong komportable subalit ang hindi mo alam ay ikaw pala’y unti-unting nalulubog sa kasalanan. Suriin mong mabuti ang iyong sarili kung nakahanda ka bang talikuran ang kasalanan, magbagong buhay at sumunod kay Kristo?

HINDI SAPILITAN ANG PAGSUNOD KAY JESUS:

Hindi tayo pinipilit ni Jesus kung ayaw natin patulan ang kaniyang imbitasyon upang sumunod sa kaniya. Sapagkat binigyan tayo ng kalayaan ng Diyos na mamili ng ating magiging buhay dito sa ibabaw ng lupa. Mayroon tayong kalayaan na mamili kung gusto natin mamuhay sa kabutihan o kasamaan.

Ang sinasabi lamang ng Panginoon sa Ebanghelyo ay kung nakahanda ba tayo. Malaya tayong mag-desisyon para sa ating mga sarili. Subalit pakatandaan lamang natin na anoman ang buhay na pipiliin natin. Tandaan natin na mayroong tinatawag na “repercussion” o bunga ang ating gagawin.

Hindi tayo maaaring sumunod kay Jesus at tumalima sa kaniyang imbitasyon kung wala ang ating puso para dito. Imposibleng makakasunod tayo kay Kristo kung mas matimbang pa sa atin ang pag-iimpok ng kayamanan, mga materyal na bagay, pakikipag-chismisan o abala tayo sa ating mga bisyo.

MENSAHE NG EBANGHELYO:

Maaaring minsan lamang mangyayari ang paanyaya sa atin ni Jesus para sumunod sa kaniya. Isang pagkakataon na isang beses lang dadaan sa ating buhay kaya nasa sa atin ang “choice” kung tatanggapin natin o hindi ang kaniyang imbitasyon. Mas kabisado natin ang ating sarili.

Subalit pakatandaan lamang natin ang laging ipinapa-alaala sa atin ng Simbahan na ang gawang masama ay nagbubunga ng masama at ang gawang mabuti ay nagbubunga ng kabutihan. Hindi mamumunga ng kabutihan ang masamang gawa at hindi mamumunga ng masama ang ginawa mong kabutihan.

Kung ang pinili naman natin ay ang sumunod kay Jesus. Kailangan lamang na maging handa tayo sa anomang pagsubok na pagdadadanan natin. Kailangan tayong magpakatatag at mag-focus sapagkat kung magpapadala tayo sa mga problema at pagsubok madali tayong matatangay ng malakas na unos.

Hingin natin ang awa ng Panginoon na bigyan tayo ng kalakasan at katatagan na magpatuloy tayo sa ating pagsunod sa kalooban ng Panginoong Diyos. Dahil tanging panalangin lamang ang maaaring sumagupa sa malakas na temptasyon ng demonyo para talikuran natin si Jesus.

ESPESYAL NA PANALANGIN:

Mahal na Panginoon. Patnubayan niyo po ang aming kapatid na si dating Pangulong Gloria Arroyo na nakatakdang magdiwang ng kaniyang Kaarawan. Gabayan nito po siya upang mas lalo pa niyang magampanan ang mga kaniyang tungkulin bilang kongresista. Ilayo niyo po sana siya sa anumang karamdaman at bigyan niyo po siya ng kalakasan. Gayundin ang kaniyang pamilya at mahal sa buhay.

AMEN