DOH

1,292 kaso ng HIV naitala noong Pebrero

204 Views

UMABOT sa 1,292 ang bilang ng mga bagong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) na naitala noong Pebrero.

Sa naturang bilang, sinabi ng Department of Health (DOH) na 1,236 ang lalaki at 56 ang babae.

Naitala ang pinakamaraming kaso sa National Capital Region (294 kaso), na sinundan ng Calabarzon (253), Central Luzon (133), Davao Region (84), at Central Visayas (80).

Sa mga kasong ito, 54 ang edad 10 hanggang 19 at kanila itong nakuha sa pakikipagtalik.

Sa mga bagong kaso, sinabi ng DOH na 1,277 ang nakuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik at dalawa naman ang mother-to-child transmission. Ang iba pa ay hindi nakalagay ang mode of transmission.

Mayroon namang 44 na nahawa ng HIV ang nasawi noong Pebrero.

Umakyat na sa 112,028 ang kabuuang bilang ng mga nahawa ng HIV sa bansa mula noong 1984. Sa bilang na ito 6,425 ang nasawi.

Ayon sa DOH nadagdagan ng 1,176 ang bilang ng mga indibidwal na pumasok sa antiretroviral therapy (ART) treatment program.

May kabuuang 65,236 indibidwal ang naka-ART hanggang noong Pebrero 2023. Sila ay edad 1 hanggang 81 taong gulang.