Abalos

Abalos: Index crime bumaba ng 16%

Jun I Legaspi Apr 3, 2023
187 Views

BUMABA umano ang index crime sa bansa, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos, Jr.

Sa datos na isinumite ng Philippine National Police (PNP) kay Abalos, nakapagtala ng 7,865 index crimes mula Enero 1 hanggang Marso 25, 2023 mas mababa ng 16 porsyento kumpara sa naitala sa kaparehas na mga buwan noong 2022 na nasa 9,375 krimen.

Kabilang sa index crimes ang murder, homicide, physical injury, panggagahasa, pagnanakaw, kasama ang pagnanakaw ng motorsiklo at mga sasakyan.

Batay sa pinakahuling datos ng PNP, bumaba ng 41.46 porsyento ang kaso ng carnapping (motor vehicle) mula 82 ay naging 48; ang kaso ng physical injury ay bumaba ng 32.94 porsyento o mula 1,339 ay naging 898; ang kaso ng panggagahasa ay bumaba ng 29.33 porsyento o mula 2,254 ay naging 1,593; at ang mga kaso ng carnapping (motorcycle) ay bumaba ng 10.20 porsyento o mula 441 ay naging 396.

Bumaba din ang kaso ng theft sa 2,647; robbery sa 1,080; murder sa 920; at homicide sa 229.

“I commend the whole PNP force under the able leadership of PNP Chief Police General Rodolfo Azurin, Jr. for persistently working to fight crimes and their perpetrators in fulfillment of their sworn duty to protect the people and the country. The challenge now is to be steady and consistent against index crimes,” ani Abalos.

Kabilang aniya sa mga dahilan nang pagbaba ng index crimes ang pagpapaigting ng police visibility sa bansa lalo na sa mga lugar na madalas pangyarihan ng krimen at kampanya laban sa loose firearms kung saan 1,993 na ang nadakip habang 6,726 na armas na ang nasabat.