P19.2B smuggled goods nasabat ng BOC sa unang quarter ng 2023

172 Views

UMABOT sa P19.22 bilyong halaga ng smuggled goods ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa unang quarter ng taon.

Pinakamarami umano sa mga nasabat ang mga pekeng branded na produkto na may kabuuang halagang P13.249 bilyon, ang mga produktong agrikultural ay nagkakahalaga ng P2.552 bilyon, at ang sigarilyo at iba pang tobacco product ay P1.748 bilyon.

Mayroon din umanong nasakoteng ipinagbabawal na gamot ang BOC na may kabuuang halagang P849 milyon.

Sa unang quarter ng 2023 ay binawi umano ng BOC ang accreditation ng 48 importer at 19 na customs brokers dahil sa paglabag sa batas at rules and regulation ng Adwana.

Sinabi ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng BOC sa iba’t ibang ahensya upang mas lalong mapalakas ang kampanya nito laban sa smuggling.

“We will not tolerate any illegal activities that threaten our nation’s welfare and security,” sabi ni Rubio. “We will remain vigilant in our efforts to combat smuggling and protect our nation’s interests.”