Rubio

Pinakamataas na koleksyon sa isang araw naitala ng BOC

143 Views

NAITALA ng Bureau of Customs (BOC) ang bagong rekord nito sa pinakamataas na nakolekta sa loob ng isang araw.

Ayon sa adwana, noong Abril 28 ay nakakolekta ito ng P7.510 bilyon.

Mas mataas ng P1.436 bilyon o 23.64 porsyento sa dating rekord na P6.074 bilyon, na naitala noong Oktobre 14, 2022.

Pinuri at pinasalamatan ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang mga empleyado at stakeholder ng ahensya sa kanilang dedikasyon at masigasig na pagtratrabaho na nagreresulta sa magandang performance ng BOC.

Noong Abril ay muling nalagpasan ng adwana ang kanilang target nitong makolekta.

Umabot ito sa P68.274 bilyon, mas mataas sa target nitong P68.199 bilyon.

Sinabi ni Rubio na sa unang apat na buwan ng taon ay nakakolekta na ang adwana ng P281.902 bilyon lagpas ng 6.29 porsyento o P16.682 bilyon sa target nitong P265.220 bilyon.

Mas mataas naman ito ng 10.89 porsyento sa nakolektang P254.226 bilyon sa unang apat na buwan ng 2022.

“We will continue to uphold our commitment to transparency, accountability, and service excellence as we strive to meet our revenue targets and contribute to the growth and development of our country,” ani Rubio.

Ang mataas na koleksyon ay dulot umano ng magandang valuation sa mga non-oil importation, ayon sa Revenue Collection Monitoring Group – Financial Service ng BOC.

Ang kita ng BOC ang isa sa pinanggagalingan ng pondo na ginagamit ng gobyerno sa implementasyon ng mga programa at proyekto nito.

Kasabay ng mataas na koleksyon ay pinaigting din ng BOC ang kanilang pagbabantay laban sa mga produkto na iligal na ipinapasok sa bansa.

Kamakailan ay sinira ng BOC-Port of Zamboanga ang P1.439 bilyong smuggled na sigarilyo.

Ang 19,419 case at 667 ream ng smuggled na sigarilyo ay binasa bago pinagdaanan sa payloader habang sinasaksihan ng mga kinatawan ng BOC, Commission on Audit, lokal na pamahalaan, at iba pang ahensya ng gobyerno.

“The BOC persistently exerts effort to curb smuggling in all forms. Condemnations and destruction of these smuggled items, along with filing of appropriate criminal charges, will continue to deter the citizenry from committing criminal acts of smuggling,” dagdag pa ni Rubio.

Sinabi rin ng Customs chief na ang maigting na pagganap ng BOC sa tungkulin nito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na higpitan ang mga border control measure sa bansa.